NAGING matagumpay ang pagdiriwang ng Paruparo Festival Streetdance Competition sa Dasmariñas, Cavite nitong Martes.
Nilahukan ito ng iba’t ibang paaralan na pinagwagian ng Sta. Cristina Elementary School (Elem Level), Dasmariñas North National High School (Secondary Level), at Emilio Aguinaldo College – Cultural Dance Troupe para sa open category.
Tinawag itong paru-paro Festival dahil inihahalintulad ang progresibong pagbabago ng lungsod mula sa pagiging isang maliit na baryo hanggang maging isang ganap na lungsod.
Ipinapakita ng pista ang pagiging malikhain ng mga Dasmarineño sa pamamagitan ng isang engrandeng parada kung saan ang mga kalahok ay nakapustura bilang mga paru-paro kasama ng mga makukulay na karosa.
Inaabangan din ng maraming turista ang kasiyahan na ito upang makiisa sa iba’t ibang pagtatanghal at patimpalak.
Unang ipinagdiwang ang Pista ng Paru-paro noong Nobyembre 26, 2011 sa pangalawang anibersaryo ng pagiging isang lungsod ng Dasmariñas.
Mula sa pagiging baryo sa lungsod ng Imus naideklara ito bilang isang bayan sa probinsya ng Cavite noong Mayo 12, 1864.
Makalipas ang 145 na taon ay naging isang ganap na lungsod ang Dasmariñas noong Nobyembre 26, 2009 sa pamamagitan ng Resolusyon Blg. 069-s-2011 at Espesyal na Ordinansa 02-s-2011, idineklara ang Pista ng Paru-paro bilang opisyal na kapistahan ng lungsod ng Dasmariñas.
SID SAMANIEGO