PARUSA PARA SA FACE MASK HOARDERS

FACE MASK

MAHAHARAP sa kaukulang parusa ang face mask hoarders o yaong mga negosyanteng mapatutunayang nagtatago ng face masks upang taasan ang presyo ng mga ito.

Ang babala ay ginawa ni Health Secretary Francisco Duque III kasunod ng mga ulat na may mga negosyante pa na nagsasamantala upang kumita ng pera sa kabila nang pinagdaraanang hirap ng mga kababayan na­ting naapektuhan ng pagsabog ng Bulkang Taal noong Linggo.

“Kapag ito ay nalamang nagho-hoard o talagang mataas ang presyo, wala na sa lugar wika nga, magkakaroon ng sanction at malilintikan itong mga nangangalakal na ito,” ayon pa kay Duque  sa isang panayam.

“Napakahirap na nga ng sitwasyon ng ating mga kababayan sa mga apektadong lugar, bakit naman ganoon?” aniya pa.

Siniguro naman ng kalihim na kasalukuyan nang iniimbestigahan ng Department of Trade Industry (DTI) ang naturang insidente.

Ayon kay Duque, kung wala na talagang mabiling N95 masks ay maaari rin namang gumamit ng mas manipis na surgical masks bilang proteksiyon sa mga lugar na manipis lamang ang ashfall lalo na at ang katawan ay mayroon namang sariling “air filtering system.”

Maaari rin naman umanong gumamit ng basang towel o panyo sakaling lalabas ng mga tahanan upang hindi makalanghap ng abong ibinubuga ng bulkan.

Kaugnay nito, sinabi ng kalihim na sa ngayon ay mino-monitor nila ang may 61 evacuation centers na kinaroroonan ng mga nagsilikas na residenteng naapektuhan ng pagsabog ng bulkan upang maiwasan ang pagkakasakit ng mga ito.

Karaniwan na aniyang ang evacuees mula sa isang volcanic eruptions ay dumaranas ng pananakit ng ulo, lagnat, hypertension, acute gastroenteritis at respiratory tract infection.

Plano rin nilang magrenta ng mga ka­ragdagang portable toilets para magamit ng evacuees. ANA ROSARIO HERNANDEZ

Comments are closed.