PINABIBIGATAN ni Senador Koko Pimentel ang parusa sa mga nagbebenta, bumibili at tumatanggap o nagtatago ng mga nakaw na bagay.
Kasunod ito ng pagpapatupad ng Republic Act 10951 o ang paghihigpit sa mga parusa sa crimes of theft and robbery sa ilalim ng Revised Penal Code.
Giit ni Pimentel, dapat na umanong amyendahan ang Anti- Fencing Law o ang Presidential Decree 1612.
Ayon sa senador, tulad umano ng kasong robbery at theft na pinapatawan ng parusa sa ilalim ng Revised Penal Code, ang mga parusa sa fencing ay nakabatay sa halaga ng ari-arian.
Iginiit ni Pimentel sa kanyang Senate Bill 1812 ang pag-adjust ng halaga ng ari-arian bilang batayan sa parusa sa ilalim ng PD 1612.
Dagdag ng senador, dapat umanong patawan ng pagkakakulong ng anim na taon hanggang 12-taon ang mga masasangkot sa pagbebenta, pagbili at pagtatago ng mga nakaw na ari-arian na aabot sa P1.2 milyong hanggang P2.2 milyon.
Sinabi pa ni Pimentel na ang parusang pagkakakulong ng 12 hanggang 20 taon ay dapat ipataw kung ang halaga ng property ay lagpas sa P2.2 million at madaragdagan pa ng isang taon sa bawat karagdagang P1 milyon na halaga. VICKY CERVALES
Comments are closed.