IMINUNGKAHI sa Kongreso na baguhin ang itinatakdang araw para sa pagpaparehistro ng mga bagong botante habang isinusulong din ang pagpapataw ng mas bigat na parusa sa mga tinaguriang ‘flying voter’.
Sa kanyang House Bills 8371 at 8371, binigyan-diin ng House Committee on Dangerous Drugs Chairman at 2nd Dist. Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers, na kinakailangan nang baguhin ang ilang patakaran ng Commission on Elections (Comelec) at isinasaad ng batas hinggil sa election violations upang maging akma ito sa kasalukuyang sitwasyon at panahon.
“It’s about time we ensure the veracity and efficiency of our voting processes. And thru these legislations, I hope honest and clean politics will soon prevail,” ang naging pahayag pa ng Mindanaoan solon.
Ayon sa panukala ni Barbers, mula sa kasalukuyang 120 days ay gagawing isang taon bago ang nakatakdang halalan, at doon gagawin ang voter’s registration.
Naniniwala ang ranking house leader na sa ganitong paraan ay magkakaroon ng sapat na panahon ang poll body para marebisa ang voter’s list at matukoy kung sino sa mga ito ang lehitimong botante o hindi dapat payagang makaboto dahil doble at makailang ulit na pagpaparehistro sa magkakaibang lugar o voting precinct.
“Flying voters, or voters who have double or multiple registrations, are rampant in the Philippine political setting,” dismayadong pahayag ni Barbers kaya para matuldukan ang gawaing ito ay nais niyang mas pabigatan ang parusang ipapataw sa mga mapatutunayang nagkasala kaugnay nito.
Bunsod ng mga ‘flying voter’ na ito, na isang anyo rin ng ‘vote buying’, nagbibigay ito ng hindi tamang resulta ng halalan at nagagawang maagaw nito ang pagnanais ng mamamayan na makapagluklok ng kandidato na sa paniniwala niya ay magiging mabuting lider ng bansa o lokalidad na nakasasakop sa kanila.
Bukod dito, ang mga tiwaling opisyal na siyang nagsagawa ng ‘vote buying’ para lamang masigurong mananatili sa kanyang mga kamay ang posisyon at kapangyarihan ay patuloy na mamamayagpag kung hindi magsasagawa ng kaukulang hakbang laban dito ang Comelec. ROMER R. BUTUYAN
Comments are closed.