PAIIMBESTIGAHAN ni Senador Raffy Tulfo ang mga matataray na government workers na hindi ginagampanan ng tama ang kanilang mga trabaho.
Ito ang nakapaloob sa inihaing Senate Resolution (SR) No. 554, layon ni Tulfo na maisulong ang Anti-Taray Bill na magpapataw ng mabigat na parusa sa mga bastos na taong-gobyerno.
Aniya, madalas na naririnig na reklamo mula sa taumbayan, lalo na mula sa mga pobreng mamamayan na sila ay tinarayan, pinahiya, binastos, sinigawan at ‘di tinulungan sa isang tanggapan ng gobyerno.
“Panahon na upang maparusahan ang mga kawani ng gobyerno na nambabastos, namamahiya, naninigaw at kumakawawa sa mga kababayan natin na pumupunta sa kanilang tanggapan para makipagtransaksyon. Ang empleyado ng gobyerno dapat ay pasensyoso at nagseserbisyo, hindi nagsusuplado,!” aniya.
Ayon kay Tulfo, ang mga taong-gobyerno ay dapat magalang, mahaba ang pasensya at maunawain sa pagbibigay ng serbisyo publiko. At kung ‘di nila ito kayang gawin, wala silang karapatang manungkulan.
Dagdag pa nito, ang taumbayan ang nagpapasahod sa mga taong-gobyerno kaya dapat tratuhin ng mga taga-gobyerno ang taumbayan na lumalapit sa kanila bilang kanilang mga amo.
Matatandaang maraming reklamo ang lumabas kamakailan lamang sa mga immigration at airport personnel at iba pang trabahador sa mga tanggapan ng gobyerno tulad ng Philippine National Police, at mga educational and training institutions na lahat ay may kinalaman sa pambabastos at pagtataray ng mga ito.
Kaya binigyang diin ni Tulfo na kapag nagkaroon na ng Anti-Taray Bill, ang mga bastos at tamad na taong-gobyerno ay mapapatawan ng mabigat na parusa, ang pagkakasibak sa serbisyo at perpetual disqualification sa public office.
VICKY CERVALES