PABOR ang Malakanyang na patawan ng pinakamabigat na parusa ang mga alkaldeng ‘missing in action’ o wala sa kanilang mga nasasakupan nang manalasa ang bagyong Ompong sa kanilang mga lugar sa Northern Luzon.
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, marapat lamang na maparusahan ang mga alkalde na hindi ginagampanan ang kanilang mga tungkulin lalo na sa panahon ng mga kalamidad at sakuna.
“Wala pa po iyong mga pangalan ng mga mayor, pero ang isinapubliko lang natin is, sang-ayon po tayo na dapat patawan ng pinakamabigat na parusa iyong mga mayor na missing in action sa panahon na pinakakinakailangan sila ng ating mga kababayan.”
Sinabi ni Roque na malinaw na may kapabayaan sa panig ng mga alkalde na nabigong makita ang kalagayan ng kanilang mga constituent sa panahon na nangangailangan ng atensiyon ng kanilang mga local official.
Sumasailalim na sa masusing imbestigasyon ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang mga naturang alkalde at binigyan ng panahon upang makapagpaliwanag.
“Well, binigyan po sila ng panahon na sumagot. I’m not sure if it’s five or ten days, pero isang araw pa lang po ang nakalilipas. So they are being accorded their right to due process and decision to be made shortly thereafter,” sabi pa ni Roque.
Kasabay nito ay tiniyak ni Roque na maglalabas ng desisyon ang DILG sa sandaling matapos ang imbestigasyon sa mga alkalde mula sa Cagayan Valley at Cordillera Administrative Region (CAR). EVELYN QUIROZ
Comments are closed.