PARUSA SA VACCINE HOARDERS AT PAGPAPABAKUNA NG 3RD SHOT

ITINUTULAK ni Quezon City Rep. Alfred Vargas na ituring na krimen at patawan ng mabigat na parusa ang mga mapatutunayang nag-hoard ng bakuna gayundin ang mga sumasailalim sa hindi awtorisadong vaccine shots.

Ginawa ni Vargas ang paghahain ng panukala dahil na rin sa mga ulat na ilang indibidwal ang gumagawa ng vaccine hoarding at may mga ilegal na nagpapabakuna ng 3rd shot sa ilang mga lungsod sa Metro Manila.

Sa House Bill 10106 na inihain ng kongresista, mahaharap sa 15 hanggang 60 araw na pagkakakulong at multang P100,000 hanggang P500,000 ang mga violators na masasangkot sa pagho-hoard ng vaccines at mga ilegal na kukuha ng bakuna o iyong mga mag-a-administer ng unauthorized vaccination.

Paliwanag ng Chairman ng Committee on Social Services, ang vaccine hoarding at unauthorized vaccination sa gitna ng public health emergency ay malinaw na kasakiman at isang panganib sa muling pagbangon at proteksiyon ng mga Pilipino.

Ang mga gawaing ito aniya ay labag sa public health system at pangkalahatang kapakanan ng publiko kaya naman nararapat lamang na parusahan ang mga gumagawa nito.

Matatandaang nauna nang nagpasa ng resolusyon ang mga myembro ng Metro Manila Council (MMC) na umaapelang parusahan ang vaccine hoarding at unauthorized vaccine shots. Conde Batac

Comments are closed.