MABUTI na lamang at agad na nakumpiska ng Department of Agriculture (DA) sa isang bodega sa Navotas ang mga smuggled na gulay na positibo sa pesticides, heavy metals, at microbiological contaminants.
Sa kanyang report kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., sinabi ni Bureau of Plant Industry (BPI) Director Gerald Glenn Panganiban na batay sa resulta ng mga pagsusuri sa nasamsam na mga sibuyas, kamatis, at carrots mula sa pansamantalang cold storage facility, ang mga ito ay kinakitaan ng organophosphates, organochlorines, at pyrethroids, na mga pesticides na makasasama sa kalusugan ng mga tao.
Ang naturang mga gulay ay natuklasan ding may cadmium at lead na delikado rin sa kalusugan ng publiko.
Positibo rin ang mga ito sa microbiological contaminants na tulad ng E. coli na matatagpuan sa dumi ng tao, Listeria monocytogenes, at Salmonella spp bacteria.
Dapat tiyakin ng DA na ang mga kontaminadong gulay na ito ay hindi na makararating sa mga pamilihan para maproteksiyunan ang mga consumer.
Dahil sa halip na makatulong sa kalusugan ng publiko ay ang mga ito pa ang magpapahamak sa kanila.