KAKALAMPAGIN ni Senador Ronald ‘Bato’ Dela Rosa ang Senado upang muling maibalik ang parusang kamatayan sa bansa.
Sinabi ni Dela Rosa na natapos kasi ang 2019 nang hindi man natatalakay ang nasabing usapin sa Senado.
Ayon kay Dela Rosa, makikipag-ugnayan siya kay Senador Richard Gordon na siya namang chairman ng Senate Justice Committee upang makapagsagawa na ng pagdinig hindi lamang sa kaniyang panukala kundi maging sa kaparehong panukala na isinumite ng kaniyang kapwa senador.
Matatandaang Hulyo ng nakaraang taon nang isumite ni Dela Rosa ang Senate Bill 226 na naglalayong buhayin ang parusang kamatayan para sa mga illegal drug traffickers.
Kasalukuyan namang pending sa Senado ang kaparehong panukala na naglalayong ibalik ang parusahang kamatayan nina Senators Manny Pacquiao, Christopher “Bong” Go, at Panfilo Lacson.
“Kung wala tayo ginagawa, kung hahayaan lang natin ‘yan, mga anak natin masiraan ng bait dahil sa droga, pabayaan lang natin. So, tayo rin ang magsisi in the end. We have to do concrete actions right now. Otherwise, going to the dog show ang ating bansa kung pababayaan natin yan. Magiging narcostate tayo, kawawa tayo,” ani Sen. Bato sa isang panayam. DWIZ882
Comments are closed.