PASAHE SA EROPLANO BABABA

EROPLANO-2

INAASAHAN ang bawas-pasahe sa eroplano sa Marso at Abril dahil sa pagbaba ng fuel surcharges sa gitna ng pagsadsad ng presyo ng jet fuel, ayon sa Civil Aeronautics Board (CAB).

Sinabi ni CAB Executive Director Carmelo Arcilla na ang fuel surcharges ay maaa­ring bumaba sa Level 2 sa ilalim ng fuel surcharge matrix na inisyu ng CAB noong Setyembre 2018.

“Hopefully, it will continue to go down kasi in general it’s going down, although it is still erratic in the sense that sometimes it will spike up. Pero the general trend is going down,” wika ni Arcilla sa sidelines ng press conference ng Cebu Pacific sa first A321neo aircraft  nito sa Makati City.

Sa kasalukuyan, ang fuel surcharges ay nasa ilalim ng Level 3 ng matrix ng CAB.

“Ang susunod na advisory natin is February 15, dahil we make bi-monthly evaluations,” ani Arcilla.

Sa ilalim ng matrix ng CAB, ang mga pasahero sa domestic flights ay papatawan ng P74 hanggang P291 gamit ang Level 3 surcharges, depende sa layo at halaga ng jet fuel costs na naglalaro sa P27 hanggang P30 kada litro.

Ang Level 3 surcharges sa international flights ay nasa P381 hanggang P3,632, depende sa destinasyon.

Ang Level 2 fuel surcharges  ay nasa P45 hanggang P171, depende sa layo para sa domestic routes. Ang fuel surcharges ay bababa sa Level 2 kapag ang presyo ng jet fuel ay nasa P24 hanggang P30 kada litro.

Para sa international flights, ang mga pasahero ay pinagbabayad ng P218 hanggang P2,076 depende sa pupuntahan.

“The trend is really going down. We will just review the trends in the past two months. The, by February 15, we will make an announcement,” ani Arcilla.

Comments are closed.