BALIK na sa P9.00 ang minimum na pasahe sa mga pam- pasaherong jeep sa Metro Manila, Regions 3 at 4.
Ito ang nilalaman ng resolusyon ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) kahapon, araw ng Lunes.
Ayon sa LTFRB board resolution No. 091, sa direktiba ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Arthur Tugade, kanilang pinag-aralan muli ang singil sa pasahe sa mga jeep kasunod ng walong linggong rollback sa presyo ng produktong petrolyo.
Dagdag pa sa resolusyon, “this Resolution shall take effect immediately upon publication in a newspaper of general and/or local circulation.”
Ang resolusyon ay pirmado ni LTFRB chairman Martin Delgra III, at board member Engr. Ronaldo Corpus.
Nitong Nobyembre lang nang ipatupad ang dagdag na piso sa pasahe sa jeepney kaya naging P10 ang minimum fare sa mga jeepney dahil sa serye ng pagtataas ng presyo ng langis.
Ngayong nag-rollback na ang presyo ng krudo at gasolina ay wala nang makitang dahilan ang ahensiya para hindi ibalik sa P9.00 ang pasahe.
Pahayag ni Delgra sa isang pulong balitaan: “After the prices of fuel have peaked some time in October, bumaba nang bumaba na ang presyo ng krudo. And for which reason, Secretary Tudage directed LTFRB to rollback the fare rate, and that is basically what we’re doing.”
Matigas naman ang reaksiyon ni ACTO chairman Efren De Luna dahil mahigit isang taon umano silang naghintay para lang makamit ang P2 na increase na kanilang inilaban noong nakaraang taon.
Ipinunto rin ni De Luna na hindi provisional, kundi permanente ang desisyong nilabas ng LTFRB sa petisyon kaya hindi ito puwedeng bawiin ng basta-basta.
“Maganda sana ‘yung sinasabi na agarang rollback sa pamasahe kung hindi decision na permanent ‘yung ibinigay ng LTFRB. Dapat provisional increase lamang para alinmang oras puwede kaming magbaba ng pamasahe,” ani De Luna.
Nauna ng sinabi ni Pasang Masda president Obet Martin na handa nilang ibalik ang P8 na minimum fare sa jeep kung bababa muli sa P37 hanggang P39 kada litro ang presyo ng gasolina, kerosene at diesel.
Batay sa datos ng Department of Energy, halos P9.10 na ang ini-rollback ng mga kompanya ng langis sa kada litro sa gasolina, P8.40 sa kada litro sa kerosene, at P7.10 sa kada litro sa diesel sa pitong magka-kasunod na linggo. VERLIN RUIZ
Comments are closed.