PASAHE SA JEEP P10 NA

JEEPNEY

INAPRUBAHAN na ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang P2 dagdag sa minimum na pasahe sa mga jeep.

Nangangahulugan ito na itataas na sa P10 ang minimum na pasahe sa mga jeep epektibo sa ­Nobyembre at ipatutupad sa Metro Manila, Region III at Region IV.

Ang P2 fare hike ay sinang-ayunan nina ­LTFRB chairman Martin Delgra at Board Member Engr. Ronaldo Corpus, habang tinutulan naman ito ng isa pang board member na si Atty. Aileen Lizada.

Inatasan ng LTFRB ang Technical Division na ihain na ang bagong fare matrix na gagamitin ng PUJs.

Ang taas-pasahe ay hiniling ng mga transport group na FEJODAP, ACTO, LTOP, ALTODAP at PASANG-MASDA.

Napag-alaman na pumayag na ang mga transport group na ibaba sa P10 ang hirit nilang minimum na pasahe sa jeep sa halip na P12 makaraang mapag-alaman ang pag-aangkat ng gobyerno ng mas murang diesel mula sa Singapore.

Sinabi ni Zeny Maranan, pangulo ng FEJODAP, na umaasa silang tutuparin ng Department of Energy (DOE) ang pangako nito na mababawasan ng P6 hanggang P10 ang presyo ng krudo.