GOOD day mga kapasada!
Inaprubahan na ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang dadag na Php2 sa minimum na pasahe sa mga pampasadang jeep na nagsimula ngayong buwan ng Nobyembre 1, 2018, Todos Los Santos.
Kung makababangon lamang ang mga nasa hukay na malaon nang nakabaon sa alaala ng mga naulila, marahil kasama ang mga ito sa magra-rally sa lansangan upang tutulan ang pagtaas ng pamasahe na malaking kabawasan na naman sa pang-araw-araw na badyet ng mga karaniwang mamamayan.
Idinaraing ng mga karaniwang trabahador ang kakarampot nilang increase na napabalitang PHP25 lamang bawat araw ng paggawa.
Sa inaprubahang petisyon na inilabas kamakailan, pumayag ang LTFRB na gawing PHP10 ang minimum na pasahe sa mga jeep mula sa dating pamasaheng PHP8.
Magugunita na kasalukuyang nasa Php9 ang minimum na pasahe matapos aprubahan ng LTFRB noong Hulyo ang PHP1 provisional fare increase o pansamantalang dagdag sa pasahe.
Kaugnay sa bagong desisyong ito ng LTFRB, binura na nito ang bisa ng provisional increase na pasahe sa jeep.
Naging epektibo ang bagong desisyong ito ng LTFRB 15 araw matapos itong ilathala sa mga pahayagan kaya sinimulan na itong ipatupad ngayong unang linggo ng Nobyembre.
Kabilang sa mga lumagda sa inaprubahang petisyon sina LTFRB chairman Martin Delgra at board member Ronaldo Corpus samantalang lumagda rin si Board Member Aileen Lizada pero para ihayag ang kanyang dissent o ‘di pagsang-ayon sa naturang petisyon.
EXCISE TAX ‘DI PA RIN SINUSUSPINDE
Nanindigan naman ang mga opisyal ng pamahalaan na hindi pa rin sususpendihin ang probisyong excise tax sa langis ng Tax Reform on Acceleration and Inclusion (TRAIN) law sa kabila ng pagtaas pa ng presyo ng krudo sa pandaigdigang merkado.
Iginiit ni Finance Asec. Tony Lambino na kapag hindi bumaba sa $80 per barrel sa loob ng tatlong magkakasunod na buwan ang presyo ng Dubai Oil sa Pean of Platts Singapore, kung saan nag-aangkat ang Filipinas ay saka lamang nila irerekomenda ang suspensiyon nito, na siyang magiging epektibo naman ng itinakdang increase.
Batay sa nakasaad sa batas ng TRAIN, madaragdagan pa ng Php2 ang kasalukuyang PHP2.50 excise tax sa langis pagpasok ng Enero 2019.
Samantala, kung hindi naman bumaba sa $80 ang binibiling krudo ng Filipinas sa pagitan ng Oktubre hanggang Disyembre ng taong kasalukuyan ay posibleng masuspinde ang probisyon ng TRAIN.
FARE HIKE REVIEW NG DOTr UMANI NG PAPURI
Pinapurihan naman ng commuters group ang pahayag ni Transportation Secretary Arthur Tugade na nag-uutos para sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na repasuhin ang fare increase in public utility vehicles sa Kalakhang Maynila gayundin sa provincial buses.
Ayon kay Public Commuters Alliance (PCMA) National President, labis nilang pinasasalamatan ang naging pahayag na ito ni Sec. Tugade sa kagyat na pag-uutos nito sa LTFRB na kaagad repasuhin ang recent fare increase.
Samantala, inihayag naman ng LTFRB na tuloy na ipatutupad ang fare increase simula nitong Nobyembre 2, 2018 pending review.
TINUTULAN ANG PAGBUO NG JEEPNEY COOPERATIVE
Mariing tinutulan ng Federation of Jeepney Operators and Drivers Association of the Philippines (FEJODAP) panukalang ipasailalim sa kooperatiba ang mga driver at operator upang bigyang daan ang Public Utility Vehicle (PUV) Modernization Program ng Department of Transportation.
Ayon kay FEJODAP National President Zeny Maranan, suportado nila ang modernization program subalit hindi naman sila sang-ayon sa pagbubuo ng isang kooperatiba ng mga maliliit na tsuper at operator para lamang makautang sa bangko na magdudulot ng lalong pabigat sa kanilang pasanin.
“Ayaw po namin ng kooperatiba dahil nangyayari po iyan sa kalakaran ng kooperatiba ngayon na may mga namumuno diyan na kapag hindi nakapagbayad sa kanila yaong operator at maliliit na drayber ay idina-drop nila at pinapalitan ng iba na naglalagay sa kawawang kalagayan ng mga driver at operator,” pahayag ni Maran. – Source radio veritas.
PHP2.26 BILYON SUBSIDY INAPRUBAHAN NG DBM
Samantala, inaprubahan na ng Department of Budget and Management (DBM) at ng Department of Finance (DOF) ang Php2.26 bilyong subsidy sa mga pampasahrong jeep upang palitan ng electric, solar at Euro-4 Jeepney ang mga PUV na may edad na labing limang (15) taong pataas.
Kaugnay nito ay inaasahang makakahiram ng hanggang 1.6-milyong piso ang bawat drayber depende sa uri ng maaprubahang unit kung saan ang Php80,000 nito ay sasagutin ng pamahalaan samantalang ang balance ay kanilang babayaran sa loob ng pitong taon.
MAJOR PARTS NG SASAKYAN
Mahalaga ang papel na ginagampanan ng sasakyan sa tao sa maraming kaparaanan.
Ito ay nakatutulong upang ang mga tao ay makarating ng mas madali, kombenyente at sa takdang oras ng pangangailangan.
Ngunit ang logic dito ay: ANG MGA SASAKYAN AY GUMAGANA DAHIL SA KOOPERASYON NG BAWAT PARTE NITO.
Ano-ano ba ang mga pangunahing part ng sasakyan na dapat bigyan ng wastong pangangalaga upang tumagal ang magandang kondisyon nito?
Sa pakikipanayam kay Jess Viloria, maintenance mechanic ng isang malaking auto supply sa kahabaan ng Sucat Road, Parañaque City, ang mga pangunahing parte ng sasakyan ay:
1. makina (engine)
2. powertrain
3. frame
4. running gear
5. body at
6. chassis
Ipinaliwanag ni G. Viloria na ang makina (engine) ang pinakamahalaga sa lahat ng parte dahil kung baga aniya sa tao, ito ang puso ng sasakyan.
May dalawang uri o klasipikasyon ang makina tulad ng:
1. Moving (gumagalaw). Una, ito ang bahagi ng makina na gumagalaw tulad ng piston. Pangalawa, sta-tionary. Ito ang bahagi ng makina na enerhiya sa mekanikal na enerhiya.
2. Sa pangunahing parte ng sasakyan ay ang powertrain. Dahil sa power train, ito ang nagpapagalaw sa sasakyan.
Gumagawa ito ng enerhiya mula sa makina at napupunta ito sa transmission. Kung gayon, kaya gumagalaw ang sasakyan.
Gumagawa ito ng enerhiya mula sa makina at napupunta sa transmission. Dahil dito, ang power train ay ang makina, transmission at driver shaft ng sasakyan.
3. Ang Frame. Ito ay katulad o konektado naman sa chassis at ang pang-apat ay:
4. Ang running gear. Ito ay ang bagay na nagpapatakbo ng isang sasakyan.
Halimbawa nito ang:
a. gulong
b. axle
c. axle boxes at spring.
5. Ang panlima ay ang ang body o katawan ng sasakyan.
KARANIWANG PROBLEMA NG SASAKYAN
Sa panahon naman ng holiday season, ipinayo ni G. Viloria na maging masinop at bigyan ng ibayong pansin ang kondisyon ng sasakyan bago ilarga ito sa mahabang paglalakbay patungo sa iba’t ibang destinasyon.
Ayon kay G. Viloria, ang mga car owner ay nahaharap sa maraming problema ng kanilang sasakyan dahil sa wear and tear.
Kabilang sa mga posibleng problema na dapat paghandaan sa paglalakbay ng malayuan ang:
a. flat tires
b. over heating engine
c. faulty wiring
Payo ni G. Viloria, para maiwasan ang mga ito, dapat ipa-check up bago bumiyahe ang mga sumusunod tulad ng: dead battery, dead starter, alternator problems, spark plug, radiator leaks, oil leaks at wastong air pressure ng gulong.
Kay G. Viloria, marami pong salamat sa ibinahaging insight.
KAUNTING KAALAMAN – Malaki ang pagkakaiba ng pagmamaneho sa gabi kaysa pagmamaneho sa araw.
Kadalasan sa gabi ay pagod at inaantok na, dala ng gawain sa araw. Mahirap mag-adjust kaagad-agad ng mga mata sa madilim kapag galing sa liwanag.
Maaaring hindi kaagad mapupuna ang mga tumatawid sa daan o ang anumang bagay na bigla na lamang susulpot habang nagmamaneho.
LAGING TATANDAAN: Umiwas sa aksidente upang buhay ay bumuti.
Happy motoring!
Comments are closed.