PASAHE SA LRT, MRT ‘DI GAGALAW

TINIYAK ng Department of Transportation (DOTr) na hindi gagalaw ang pamasahe sa tatlong elevated railways sa Metro Manila sa kabila ng pagtaas ng presyo ng Beep cards.

Ayon sa DOTr, ang pagtaas ng presyo ng Beep cards sa P30 mula sa P20 nitong Enero 1 ay isang automatic provision sa ilalim ng concession agreement ng pamahalaan sa AF Payments.

Ang AF Payments, isang joint venture sa pagitan ng Ayala at ng Metro Pacific groups, ang nangangasiwa sa Beep card-based payment systems sa LRT-1, LRT-2 at MRT-3. Isang hiwalay na Ayala at Metro Pacific joint ven-ture, ang Light Rail Manila ang nagpapatakbo at nagmamantina sa LRT-1.

“Currently, the DOTr is reviewing the said concession agreement and all its provisions, with the end view of de-termining how best to protect public interest,” pahayag ng DOTr.

Sinabi ni Undersecretary and officer-in-charge for rails Junn Magno na malalaman sa review kung maaaring i-regulate ng ahensiya ang AF Payments.

Aniya, ang pagtaas ng presyo ng Beep card ay dapat dumaan sa public consultation at dapat munang pinag-aralan ng Gabinete ang epekto nito sa inflation.

“Sinusubukan din nila iyong regulation, baka saklaw sila o hindi. Kumbaga, testing the waters,” aniya.

Samantala, nakahanda ang Department of Justice (DOJ) na imbestigahan ang price hike sa Beep cards.

Ayon kay Justice Secretary Menardo Guevarra, ang taas-presyo sa Beep cards ay maaaring talakayin sa susunod na cabinet meeting.

“The DOJ will await a formal request from the DOTr or a direct order from the President,” aniya. PILIPINO Mirror Reportorial Team

Comments are closed.