PASAHERO ARESTADO SA ‘BOMB JOKE’

BOMB JOKE

INARESTO ng mga tauhan ng Aviation Security group (Avsegrp) ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang isang pasahero ng Philippine Airlines (PAL) matapos magbiro na mayroong bomba sa loob ng eroplano, na dahilan upang mag-panic ang 139 mga pasahero at apat na crew.

Kinilala ang suspek na si Saidona Singson, at nagpakikilala na isa siyang Airport Manager 3 ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP), ngunit pinabulaanan naman ito ni Eric Apolonio, tagapagsalita ng CAAP at iti­nangging  emple­yado nila ito.

Nadiskubre ng CAAP na ang suspek ay empleyado ng Department of Transportation and Communication sa ARMM.

Batay sa impormasyon na nakarating sa Media Affairs ng NAIA, ang Philippine Airlines (PAL) flight PR2959 ay naantala ng pitong oras  na resulta ng  nasabing bomb joke ni Singson.

Ayon sa  datos ng MIAA, nag-takeoff sa NAIA ang nasabing  flight dakong alas-7:30 ng umaga papuntang Cotabato, ngunit bigla itong bumalik dahil sa nasabing bomb joke at pagkasira ng airconditioning system.

Pagkalapag ng eroplano sa  runway ng NAIA ay agad na ibinaba at hinalughug ang mga bagahe ng bawat pasahero ng on duty Avsegroup at ng mga pulis, ngunit wala silang natagpuang  bomba.

Sa ilalim ng umiiral na batas, ang magbiro o mag-bomb joke ay papatawan ng hindi lalampas sa limang taon na pagkakulong  at  may kaakibat na P40,000 multa  o pareho depende sa desisyon ng korte.

Samantala, humingi naman ng paumanhin si PAL Spokesperson Cielo Villaluna sa pagkaabala ng kanilang mga pasahero kasabay ang  paalala na iwasan ng mga pasahero na magbiro para maiwasan ang makompromiso sa batas.  F MORALLOS

Comments are closed.