HINDI na papayagang bumaba ng Roosevelt station sa Quezon City ang mga pasahero ng LRT1 mula kahapon, Enero 4 hanggang sa Marso 31 ng taong ito.
Ang mga pasahero ng Light Rail Transit Line 1 na patungo sa Roosevelt ay maaring bumaba sa isa o dalawang istasyon bago ang Roosevelt dahil sa pagpapatupad ng three-month temporary passenger traffic scheme upang bigyang daan ang konstruksion ng ‘common station’ ang Unified Grand Central Station.
Ang common station ay kung saan hihinto ang mga tren ng LRT1, MRT3 at MRT7.
Sa panahong ito ay hindi maaaring tumigil ang mga nasabing tren sa Roosevelt Station. Ang kanilang final stop ay sa Monumento o Balintawak Station.
Para sa mga bababa ng Roosevelt, isang special shuttle train ang darating kada 10 minuto sa Balintawak sa peak hours upang eksklusibong maghatid ng pasahero sa Roosevelt.
Ang shuttle train din na ito ang maghahatid sa mga pasahero sa Roosevelt bound south.
Ayon sa DOTr, ang Common Station ay ang matagal nang naantalang proyekto na umabot ng siyam na taon dahil na rin sa naging problema sa actual location ng Area B na kamakailan ay naungkat sa pagitan ng kagawaran at ng Ayala Land Inc.
Inaasahang matatapos ang Common Station sa susunod na taon.
Comments are closed.