PASAHERO PARTYLIST: BALIK-RUTA NG PROVINCIAL BUSES SA EDSA, GINHAWA PARA SA MGA PASAHERO

PINAPURIHAN ng PASAHERO Partylist ang naging hakbang ng gob­yerno na ibalik sa normal na operasyon ang mga provincial bus sa EDSA na halos dalawang taon ding nagpahirap sa mga mananakay sa Kalakhang Maynila.

“Malaking kaginhawahan ito sa ating mga kababayan. Dalawang taon ding nagdanas ng matinding pahirap ang atin mga kababayang bumibiyahe papasok at palabas ng Metro Manila dahil nga sa kawalan ng mga bus sa EDSA, kaugnay ng mga ipinatutupad na guidelines ngayong pandemya,” ayon kay PASAHERO founder Robert Nazal.

Reaksiyon ito ni Nazal matapos ipahayag ng Metropolitan Manila Development Authority  na magpapatupad sila ng dalawang linggong dry run na magbabalik sa ruta ng mga provincial bus sa EDSA na nagsimula nitong Marso 24.

Ayon sa MMDA, nauna nang pumayag ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB)  at ang Department of Transportation (DOTr) na ibalik ang provincial buses sa EDSA na magsisimula ng alas-10 ng gabi hanggang alas-5 ng umaga. Ito ay matapos mag-expire ang bisa ng uniform tra­vel protocols nitong Marso 24 na nagsimulang ipatupad noong Pebrero 2021.

Kabilang sa mga uma­ni ng papuri mula sa partido ang MMDA, DOTr, at ang LTFRB dahil sa wakas, makagagalaw nang muli ang provincial buses na nag­ruruta sa EDSA.

Ayon pa kay Nazal, napakahalgang maibalik sa normal ang biyahe ng provincial buses sa EDSA dahil malaking tulong ito sa mga mahihirap na pasahero na wala namang sari­ling sasakyan.

“Masasabi natin na ang mga kapus-palad na pasaherong patungo at galing probinsya ang tinamaan nang husto ng pandemya dahil wala silang sariling sasakyan,” ani Nazal.

Dagdag pa niya, “Da­lawang taon din nilang tiniis ang hirap at pasakit ng paglalakbay papasok at palabas ng Metro Manila.”

Ayon naman kay PASAHERO co-founder Allan Yap, napakahirap ng ipi­natupad na sistema para sa mga bus sa EDSA nitong pandemya dahil napipilitan ang mga dri­ver na magbaba ng pasahero sa terminal exchanges na napakalayo sa destinasyon ng mga ito. Dahil aniya rito, dumadaan sa ilang ulit na pagsakay ang mga pasahero na liban sa nakapapagod ay mabigat pa sa kanilang bulsa.

“At dahil kasagsagan ng COVID infections noon, lantad na lantad pa sila sa posibilidad na mahawa dahil sa ganoong sistema,” saad pa ni Yap.

Aniya, dahil naibalik na ang provincial buses sa EDSA, napakaraming mananakay ang tiyak na makikinabang, lalo pa’t unti-unti nang nagbubukas ang ekonomiya at nasa Lenten rush ang bansa.

Ang PASAHERO o ang Passengers and Ri­ders Organization Inc., ay isang non-stock and non-profit organization na naglalayong maikatawan sa Kongreso ang mga pasahero ng iba’t ibang transportasyon tulad ng mga sasakyang pandagat, panghimpapawid at panlupa. Kabilang din sa ikakatawan ng partido sa Kamara ang  tricycle dri­vers and operators sa buong bansa dahil anila, ang mga ito ang talagang hinagupit nang husto ng pandemya.

Noong Oktubre ng nakaraang taon, idineklara ng Commission on Elections na lehitimong partido ang PASAHERO at maa­aring kumandidato bilang partylist group sa pambansang halalan ngayong Mayo 9.