ITINUTULAK ng PASAHERO Party-list ang paglikha ng isang opisina ng gobyerno na tutugon at ekslusibong tututok sa kapakanan at mga pangangailangan ng Tricycle Operators and Drivers Association (TODA) sa buong bansa.
Ayon sa tagapagsalita ng PASAHERO Party-list na si Atty. Homer Alinsug, ang ahensiyang ito ang magiging daan upang mabigyan ng kaukulang pansin ng gobyerno ang hinaing ng mga tricycle driver at ng kanilang mga operator.
“Sa ngayon, ang TODA ang itinuturing na pinaka-napag-iiwanang sektor ng lipunan. Pero, oras na maisulong natin sa Kongreso ang mga panukalang magpapalakas sa kanilang hanay at sasagot sa kanilang mga suliranin, tiyak na ito ang mag-aangat sa kanilang kalagayan,” saad ni Alinsug.
Ani Alinsug, sa kanilang pakikipagpulong sa mga miyembro ng TODA sa Bataan nitong nakalipas na Biyernes, tiniyak ng PASAHERO ang kanilang determinasyong maisakatuparan ang hangaring ito.
Sinabi pa nito na ang panukalang opisina ng gobyerno na itinutulak ng PASAHERO Partylist ay maihahalintulad sa Presidential Tricycle Affairs Office (PTAO) na nalikha noong panahon ni dating pangulong Gloria Arroyo.
“Naalala nyo ba ‘yung PTAO? Isa iyong central office sa ilalim ng Ehekutibo na nag-aasikaso sa lahat ng pangangailangan at kapakanan ng TODA. Meron po ‘yan noong panahon ni GMA pero ngayon wala na,” ayon pa rin kay Alinsug.
Aniya, kung narito pa sana ang PTAO, posibleng hindi napapabayaan ang TODA, lalo na ngayong panahon ng pandemya.
“Nitong pandemya, nagkaroon kayo ng problema dahil nagpatupad ang IATF ng halimbawa ay social distancing. So, dati pwede kayong magsakay ng tatlo hanggang apat. Ngayon, isa na lang, hindi na pwedeng dalawa. Paano ‘yung singilin nyo? Paano nyo babawiin ‘yun?” pahayag pa ni Alinsug.
Sa kanyang pakikipag-usap sa mga presidente ng TODA, nakapag-apela na sila sa mga LGU upang kahit paano ay magkaroon sila ng kaukulang fare adjustment.
Gayunman, ayon kay Alinsug at hindi ito naaksiyunan ng mga pamahalaang lokal, ‘di tulad ng mga pampasaherong jeep at bus na agad naaasikaso ng LTFRB. “Sa mga jeep at bus, ang LTFRB ang nag-aasikaso sa kanila. Meron silang automatic fare adjustment na ipinatutupad pag tumataas ang presyo ng diesel.”
Dahil dito, nangako si Alinsug at ang buong partido ng PASAHERO Party-list na susulatan nila si Pangulong Duterte sa pamamagitan ni Senador Bong Go upang isulong ang muling pagbuhay sa PTAO.
“Sana po mapagbigyan tayo. Sa mga susunod na linggo, babalitaan ko po kayo, aalamin natin kung ano ang magiging sagot ng ating mahal na pangulo. Sigurado po kami, susuportahan tayo ni PRRD at ni Senator Bong Go sa panukalang ito,” dagdag pa ni Alinsug.
Ang PASAHERO, o ang Passengers and Riders Organization Inc., ay isang party-list group na kumakatawan sa Filipino commuters and passengers. Idineklara sila ng Commission on Elections kamakailan bilang lehitimong grupo na maaaring kumandidto sa May general elections.