IKINATUWA ng PASAHERO Party-list ang napipintong pagpapatupad ng P1 bilyong fuel subsidy ng gobyerno para sa public utility vehicle drivers.
Ayon sa tagapagsalita ng PASAHERO Party-list na si Atty. Homer Alinsug, napapanahong benepisyo ito sa mga kaawa-awang sektor ng transportasyon, na aniya’y isa sa patuloy na hinahagupit ng pandemya ng COVID-19.
Ani Alinsug, napakalaking hakbang nito upang kahit paano ay maibangon ang transport sector at matulungan sila mula sa patuloy na pagtaas ng presyo ng langis kahit pa tayo ay nasa gitna ng pandemya.
Ayon pa rin sa spokesperson ng PASAHERO Party-list, hindi lamang ang mga drayber ng PUVs ang makikinabang sa fuel subsidy na ito, kundi maging ang mga mananakay na posible nang makaiwas sa taas-pasahe.
“Napakalaking tulong nito sa transport sector at maging ang mga commuter ay makakahinga ng maluwag mula sa pangambang magtataas na naman ng pasahe dahil sa sunod-sunod na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo,” paliwanag ni Alinsug.
Ang PASAHERO (Passengers and Riders Organization Inc.,) ay isang party-list group na kakatawan sa mga commuter at pasahero sa Kongreso. Deklarado ng Commission on Elections ang grupo bilang isang party-list candidate na maaaring sumabak sa May 2022 general elections.
Partikular na pinasalamatan ng grupo ang economic team ng gobyerno matapos ipangako na igagawad nila ang P1B sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB). Ilalaan ang naturang halaga sa cash grants para sa PUV drivers na umaaray na sa mataas na presyo ng mga produktong petrolyo.
Sa kabila nito, nilinaw naman ng Development Budget Coordination Committee o DBCC na short-term lamang ang fuel aid. Ito anila ang magsisilbing proteksyon ng PUV drivers laban sa napakataas na presyo ng langis.
Ayon sa DBCC, tinatayang 178,000 PUV drivers ang nakatakdang makinabang sa naturang subsidiya.
Kaugnay nito, nanawagan ang PASAHERO Partylist sa LTFRB na kung maaari ay bilisan ang pag-aksiyon at ibigay na sa mga benepisyaryo ang tulong sa lalong madaling panahon.
“Pagkalabas ng pondo, nananawagan tayo sa ating LTFRB na huwag namg magpatumpik-tumpik. Siguraduhing maipamigay na agad ang ayuda para sa ating transport group,” ani Alinsug.
Mababatid na nabuo ang desisyong bigyan ng fuel subsidy ang PUV drivers upang maprotektahan sa global oil price hike.