PASAHERO PARTYLIST: TRIKE DRIVERS ISALI SA FUEL SUBSIDY PROGRAM

HINIMOK ngayon ng PASAHERO Partylist ang pamahalaan na palawigin ang pagkakaloob ng fuel assistance sa public utility vehicles at ibilang na rito ang mga tricycle driver.

Ayon sa partido, tulad ng ibang sektor ng transportasyon, nagdurusa rin sa kasalukyan ang “tatlong gulong” sector dahil sa krisis dulot ng pandemya.

“Wala tayong nakikitang dahilan para hindi ibilang sa fuel subsidy ang tricycle drivers dahil sila man ay hirap na hirap din sa kasalukuyan at kinakailangan ng kaukulang suporta para makasabay sa pagtaas ng presyo ng langis,” ayon kay PASAHERO Partylist founder Robert Nazal.

Ani Nazal, kung may sektor na pinakamatinding hinagupit ng pandemya, ito ay ang “tatlong gulong” sector kung saan, ang tricycle drivers ay higit na nangangailangan ngayon ng tulong mula sa gobyerno.

“Humina ang kanilang pasada, tumaas ang presyo ng langis pero wala silang natanggap na ayuda mula sa national government, at sa kabila nito hindi naman tumaas ang kanilang pasahe,” malungkot na pahayag ni Nazal.

Ayon naman kay PASAHERO Partylist co-founder Allan Yap, bagaman suportado ng partylist group ang mga panawagan hinggil sa agarang pagkakaloob ng cash subsidies sa mga apektadong transport drivers, dapat ding huwag kalimutan ng gobyerno ang mga tricycle driver.

“Panahon na para bigyan na rin natin ng fuel subsidy ang ating tricycle drivers dahil higit nilang kailangan yan ngayon. Pagkilala na rin po ‘yan sa naging papel nila ngayong pandemya dahil sila ang pangunahing mode of transport ng mga kababayan natin sa kasagsagan ng COVID pandemic,” saad ni Yap.

Ang PASAHERO Partylist o ang Passengers and Riders Organization Inc., ay isang non-stock and non-profit organization na naglalayong ikatawan sa Kongreso ang mga mananakay ng iba’t ibang uri ng transportasyon na kinabibilangan ng tricycle drivers and operators.

Nitong nakaraang taon, pormal na idineklara ng Commission on Elections ang PASAHERO bilang isang lehitimong partido at may sapat na kakayahan upang makalahok sa darating na eleksiyon sa darating na Mayo 9.

Kamakailan, inendorso na ng iba’t ibang pederasyon ng tricycle operators and drivers association (TODA) ang kandidatura ng PASAHERO Partylist, gayundin ng mahigit 150,000 miyembro ng NCR TODA Coalition at ng Panlalawigang Pederasyon ng Bulacan. Ang huli ay binubuo ng 24 city and municipal TODAs na may tinatayang 103,000 miyembro.