PASAHERO TIKLO SA MGA BARIL AT BALA

LEYTE- ISANG lalaking pasahero ng barko ang inaresto ng mga tauhan ng Philippine Ports Authority (PPA) matapos na mahulihan ng armas habang nasa Passenger Terminal Building ng ahensiya sa Ormoc City na patungo sana sa lalawigan ng Cebu.

Sa ulat na ibinahagi ni Eunice Samonte ng PPA- Corporate Affair, nakilala ang pasahero na si Raymund Villanueva Y Bucatcat.

Kabilang sa mga nakuhang armas kay Bucatcat ang isang improvised pistol, dalawang rounds ng caliber 7.62 live ammunitions at apat na rounds ng caliber .45mm live ammunitions.

Natagpuan ang mga prohibited item sa gamit na pag-aari mismo ni Bucatcat.

Nabigong magpakita ito ng mga kinakailangang dokumento ng kanyang mga armas dahilan upang maharap sa kasong paglabag sa Republic Act 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Law.

Agad na na-turnover si Bucatcat sa Philippine National Police (PNP) ng Ormoc City Police Office kasama ang kanyang mga personal na gamit para sa proper documentation.
VERLIN RUIZ