PASAHERONG NAG-BOMB JOKE SA EROPLANO KALABOSO

INARESTO  ng mga awtoridad sa Davao International Airport (DIA) ang isang pasahero ng Cebu Pacific flight matapos magbiro na mayroong bomba sa loob ng eroplano.

Naging sanhi upang mag-panic ang mga pasaherong nasa loob ng Cebu pacific flight 5J97.

Ayon kay Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) spokesman Eric Apolonio, nangyari ang insidente dakong 06:28 Linggo ng hapon (January 29, 2023), habang nakatakdang mag-take off ang binabanggit na flight lulan ang 221 pasahero patungong Manila.

Kinilala ni Davao International Airport (DIA) Manager Rex Obsena ang naturang pasahero na si Annabelle Macose, 59 anyos, naninirahan sa lalawigan ng Pangasinan.

Agad namang pinababa ang mga pasahero, kasabay na hinalughog ang lahat ng mga bagahe, at ipinadaan muli sa x-ray bilang parte ng security protocol na ipinapatupad ng mga airport.

Matapos ang inspection ng mga tauhan ng Avsegroup gamit ang K-9 ay pinayagang makaalis ang flight na ito.

At bago maka-take off ang Cebu Pacific flight 5J97 pinababa si Macose, kasabay ang pag-turn over sa mga tauhan ng Sasa Police station upang pananagutin sa kanyang pagkakasala. Froilan Morallos