(Pasan ko ang daigdig) MAHAL KITA KAHIT WALA KANG PAA

walang paa

ARAW ng pag-ibig, pasan ko ang daigdig…

“Hindi ang kakula­ngan ng dalawang paa ang magiging dahilan upang siya ay aking iwan, bagkus ito pa ang magpapatibay sa aming pagsasama bilang mag-asawa…”

Ito ang matibay na pangako ni Wilfredo Baao, 62 taong gulang ng Brgy. Sapa 2, Rosario, Cavite sa kanyang asawa na si Ella Padida, 60 taong gulang.

Balo si Ella nang makilala niya si Wilfredo.

May dalawang anak siya sa unang asawa.

Sakit na diabetes ang dahilan ng pagkakaputol ng dalawang paa ni Ella.

Hirap kumilos si Ella kung kaya kinakailangan niya ng tulong ng asawa upang magampanan niya ang pag-ihi o pagdumi, kumain o magluto, maglaba o mag-igib ng tubig sa poso.

“Sa ganitong sitwasyon ko pa ba siya iiwan? Mahal ko siya at kung anong mayroon siya ngayon ay tanggap ko ng buong-buo ang kanyang pagkatao. Handa akong pakasalan siya. Pasanin ko man siya saan man ako magpunta ay hindi ako mapapagod,” buong pagmamalaki na sabi ni Wilfredo.

Pagtitinda ng pira-pirasong bawang ang tanging ikinabubuhay ngayon ng mag-asawa. Nangungupahan sa isang maliit na bahay. Madalas palipat-lipat ng tirahan dahil sa pinansyal na problema.

“Masaya ako sa pagkakataon na ito dahil nakilala ko si Wilfredo. Tunay ang kanyang pagmamahal sa akin. Hindi niya ako iniwan kahit putol na ang ­aking dalawang paa.

Marahil, mahihirapan ako kapag nawala siya.Mahal na mahal ko siya,”  madamdaming salaysay ni Ella.

Tunay na ang pagmamahalan ay walang pinipiling usapin.

Kapintasan man o kalabisan.

Saan man natin ipa­ling ang ating paningin, kung tunay talaga ang pagmamahal na nararamdaman ay sa isang diretsong tingin lang ito papaling.

Tulad ng pagmamahalang ito nina Wilfredo at Ella.

At nito ngang nagdaang Araw ng mga Puso, Pebrero 14, 2020, ay ganap na nasaksihan ang pag-iisang dibdib nina Wilfredo at Ella na nakasama sa Kasalang-Bayan sa Dalampasigan. SID LUNA SAMANIEGO

Comments are closed.