Kinansela na ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang Philippine passport ni dismissed Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo.
Kinumpirma ng DFA na naging epektibo ang kanselasyon ng pasaporte ni Guo noong Setyembre 30 ng taong kasalukuyan matapos tumugma ang kanyang biometrics sa Chinese passport holder na si Guo Hua Ping sa files ng National Bureau of Investigation.
Matatandaan na una ng ipinag-utos ng Malakanyang na kanselahin ang pasaporte ni Guo kasama ang kanyang mga kapatid na sina Wesley at Shiela ganoon din si Cassy Ong na nauugnay sa sinalakay na POGO hub sa Porac, Pampanga matapos na pumuslit ang mga ito palabas ng Pilipinas noong Hulyo.
Kaugnay nito ay nangako naman ang DFA sa pagpapairal ng seguridad at integridad sa pag-iisyu ng mga Philippine passport at siniguro sa publiko na kanilang ire’refer sa law enforcement agencies at prosekusyon ang anumang ilegal na aplikasyon at pagkuha ng mga pasaporte.
J DORONIO