PASAWAY NA NEGOSYO IPASASARA

TINIYAK ni Environment Secretary Roy Cimatu na masusing sisilipin ng kanyang ahensiya ang iba pang establisimiyento na posibleng nagdudulot ng polusyon sa Manila Bay.

Ito ay kasunod ng pagkakasara ng apat na establisimiyento na direktang nagtatapon ng dumi sa Manila Bay, na ayon sa Laguna Lake Development Authority (LLDA) ay kinabibilagan ng Billion Building, HK Sun Plaza, Tramway Bayview Buffet Restaurant sa Pasay City at D Circle Hotel sa Maynila.

Ang naturang mga establisimiyento ay pinatawan ng cease and desist orders (CDOs) at karagdagang 13 notices of violation (NOVs) kamakailan lamang matapos ang paglulunsad sa Manila Bay rehabilitation nitong Enero 27.

“No establishment that is polluting Manila Bay will be spared from the crackdown, we will make sure all establishments will go through inspection and the violators will have to pay the price for polluting the environment,” pahayag ni Cimatu sa kanyang pag-iinspeksiyon kahapoin sa breakwater ng Manila Bay.

Nauna rito, nagpalabas ang LLDA ng CDOs laban sa ilang sikat na restaurants gaya ng Aristocrat, Gloria Maris, Esplanade at E Universe Entertainment and KTV Bar na natuklasang walang karampatang wastewater facility at nagtatapon din ng maruming tubig sa Manila Bay.

Sa ilalim ng Republic Act 9275 o ang Philippine Clean Water Act of 2004, mahaharap sa closure order ang isang establisimiyento na mapatutunayang walang sariling wastewater facility.

Kasabay nito ay binalaan ni Cimatu ang iba pang establisimiyento, partikular ang mga malapit sa Manila Bay, na ipasasara kapag nagdagdag ang mga ito ng polusyon sa Manila Bay.       BENEDICT ABAYGAR, JR.