PASAWAY NA SHIPPING COMPANIES

SHIPPING COMPANIES

TINIYAK ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) na mananagot ang mga shipping line na nagtatapon ng langis sa Manila Bay.

Sa kanyang isinagawang aerial inspection, natuklasan ni DENR Undersecretary Benny Antiporda na maging ang dumadaang mga barko ay nagbibigay rin ng kontribusyon sa polusyon sa lawa, gayundin ang mga fish pen ng ilang mangingisda sa lugar.

Plano ni Antiporda na makipag-ugnayan sa iba’t ibang shipping lines at samahan ng mangingisda upang ipa­rating ang kanilang nadiskubreng pagtatapon ng dumi ng ilang barko at iba pang sasakyang pandagat tulad ng ­langis. Nais din ng opisyal na bigyan ng cease and desist order ang mga ito kung kinakailangan.

“Handa kaming makipagdiyalogo sa mga shipping company para matigil na ang pagtatapon ng langis mula sa kanilang mga barko at mapadali ang paglilinis ng dagat,” pahayag ni Antiporda.

Dagdag pa niya, hindi sila mangingi­ming ipatigil ang operasyon ng mga barkong nakitaan ng kanilang waste disposal sa Manila Bay.

Bukod dito, ilang baybayin din ng Manila Bay ang nakitang may mga  basurang hindi pa natatanggal kung kaya inatasan nito ang mga tauhan ng DENR na silipin ang ilan pang lugar na nakapaligid sa Manila Bay.

Napag-alamang patuloy na pinupursige ng DENR, katuwang ang iba pang ahensiya ng gob­yerno, na tuluyang malinis at maging matagumpay ang Manila Bay Rehabilitation project kung saan abala ngayon ang kanilang dredging operation na ­naglilinis ng nasa halos tatlong metro na ang dumi sa ilalim ng dagat bago umabot sa buhangin ang kinakaila­ngang tanggalin para­ sa puspusang paglilinis sa dagat.

Nasa 11,000 pamilya na rin ang na-relocate mula sa bahagi ng Baseco bilang paglilinis ng Manila Bay.        BENEDICT ABAYGAR, JR.