INIHAYAG ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año na patuloy umanong nadaragdagan ang mga taong nahuhuling lumalabag sa mga health protocols na ipinaiiral ng pamahalaan para maiwasan ang pagkalat pa ng COVID-19 sa bansa.
Sa Talk to the People ni Pang. Rodrigo Duterte nitong Lunes ng gabi, iniulat ni Año na mula Enero 16 hanggang 21, ang bilang ng mga taong naaresto dahil sa hindi pagsusuot ng face masks ay tumaas ng 3% o umabot ng 64,645, mula sa dating 62,833 mula Enero 9 – 15.
Aniya, sa kahalintulad na panahon, nasa 590 indibidwal naman ang nasangkot sa mass gatherings, na 77% na pagtaas mula sa dating 332 lamang.
Kabuuang 24,398 individuals naman aniya ang inaresto dahil sa paglabag sa physical distancing rules, na pagtaas ng 3.7% mula 23,528 lamang mula Enero 9 – 15.
Paglilinaw naman ni Año, maliit na bilang lamang ng mga naturang violator ang kinasuhan at ang karamihan sa kanila ay binigyan lamang ng warning.
“I wish to remind all our countrymen to comply with the minimum public health standards so that we can safely weather this Covid-19 pandemic. Our law enforcers are there to ensure your safety,” dagdag pa ng DILG chief. EVELYN GARCIA