(Pasaway sa health protocols) PRUSISYON SA CAVITE PINAIIMBESTIGAHAN NG DILG

PINAIIMBESTIGAHAN na ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang nag-viral sa social media na paglabag sa health protocols kontra COVID-19 ng mga lumahok sa idinaos na prusisyon sa General Trias,Cavite nitong Linggo.

Batay sa video na ipinadala sa ABS-CBN News, ang mga taong sumama sa ‘karakol’, isang tradisyunal na religious procession tuwing pista sa Cavite, kung saan kabilang din sa pagtitipon ang barangay chairperson na makikitang naglalakad at nagsasayawan sa gitna ng ulan sa Arnaldo Highway sa Barangay Santiago.

Sa viral video, nakitang magkakadikit ang ilan sa mga tao na pawang walang suot na face mask.

Ayon kay DILG Undersecretary Jonathan Malaya, itinuturing itong malaking paglabag dahil halos lahat ng ipinatutupad na minimum health standards ng pamahalaan ay nilabag ng mga lumahok sa nasabing prusisyon.

“Lahat po ng minimum health standards ay na-violate… Nakakabahala po ito, and DILG will act immediately,” giit ni Malaya.

Paglilinaw naman ni General Trias Cavite Mayor Antonio Ferrer, walang pahintulot ang munisipyo sa nasabing pagtitipon at maging ang parokya sa prusisyon ay hindi umano inaprubahan ito.

Muli namang iginiit ng DILG official na dapat na mas maging maingat at responsable ngayon ang publiko dahil sa local transmission ng mas nakahahawang Delta variant ng COVID-19.

Hinahanap na ang mga dumalo sa pagtitipon at inabisuhang mag-report sa city health office sakaling sumama ang pakiramdam.

Nabatid na ang Cavite ay kabilang sa mga lugar na isinailalim sa General Community Quarantine nitong Hulyo 16 hanggang katapusan ng buwan. EVELYN GARCIA

3 thoughts on “(Pasaway sa health protocols) PRUSISYON SA CAVITE PINAIIMBESTIGAHAN NG DILG”

Comments are closed.