PINAGKALOOBAN ng certificate of recognition ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang Pasay City Business Permit and Licensing Office (BPLO) matapos makuha ang ikatlong puwesto sa mga highly urbanized cities na mayroong mataas na bilang ng inisyung safety seal certifications sa mga rehistradong business establishments sa nasabing lungsod.
Sa awarding ceremony na ginanap sa SM Mall of Asia (MOA) nitong Martes ay tinanggap ang rekognisyon ng kinatawang pamahalaang lungsod kabilang si BPLO chief Mitch Talavera-Pardo.
Nakuha ng Quezon City ang unang puwesto na nakapag-isyu ng 5,800 safety seal certificates na sinundan ng Makati City na may 3,538 habang ang Pasay City ay nakapag-isyu naman ng 2,181 safety seal certificates.
Sa nasabing rekognisyon, pinasalamatan Talavera-Pardo sa kanyang masugid na pagtatrabaho sa paghikayat sa lahat ng mga negosyante sa buong lungsod sa pag-aapply ng safety seal certification upang masiguro na ang kani-kanilang establisimiyento ay ligtas puntahan ng mga kustomer kasabay ng pagsunod sa ipinatutupad na health protocols laban sa COVID-19.
Sa paglulunsad ng pag-isyu ng safety seal certificate noong Hunyo ng nakaraang taon ay nakapaglagay ang lokal na pamahalaan ng mga booth na maituturing na one-stop-shop sa inisyatibo ng BPLO upang mapadali ang pagpoproseso ng aplikasyon para sa safety seal certification.
Sinabi naman ni Talavera-Pardo na ang mga itinayong booth sa Resorts World, Metro Point, Victory Mall, W Mall, Double Dragon, at Galleria sa Baclaran ay malaki ang naitulong at naging epektibo.
Ayon pa kay Talavera-Pardo, ang inspection committee na binubuo ng BPLO, Bureau of Fire and Protection (BFP), City Health Office (CHO), City Environment and Natural Resources (CENRO) at lokal na pulisya ang tumutulong sa mga establisimiyento sa pag-apply ng kanilang safety seal certification.
Pinangunahan naman ni DILG Secretary Eduardo Año ang pagbibigay ng rekognisyon sa mga awardees kabilang sina Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF) Czar Secretary Vince Dizon at Department of Information and Communication Technology (DICT) Secretary Emmanuel Rey Caintic. MARIVIC FERNANDEZ