PASAY COVID-19 FREE NA

DAHIL sa patuloy na pagbaba ng kaso ng COVID-19, nakamit na ng lungsod ng Pasay ang kategoryang COVID-free sa apat na magkakasunod na araw.

Ayon sa pamahalaang lokal ng lungsod, kanila nang nakamtan ang pinakamimithing COVID-19 free sa loob ng apat na magkakasunod na araw sa kabila ng pagturing na coronavirus hotspot ito.

Base sa report na isinumite ng City Epidemiology and Surveillance Unit (CESU), sa loob ng nakaraang 96 oras ay walang na-detect na kaso ng COVID-19 sa lungsod.

Batay na rin sa report ng City Health Office at Pasay City General Hospital (PCGH), sa kasalukuyan ay wala nang pasyente na natatanggap ang lahat ng isolation facilities ng mga ospital at sa MOA complex.

Nakamit ng lungsod ang pagiging COVID-free dahil sa pagpapatupad ng masiglang kampanya ng baksinasyon laban sa nakamamatay na virus.

Sa pinakahuling report ng CESU, nakapagturok na ng bakuna sa 753,112 indibidwal ang lokal na pamahalaan.

Nagpasalamat din ang pamahalaang lungsod sa mga opisyal ng bara­ngay at mga nagmamay-ari ng negosyo sa pagpapatupad ng mga ito ng health protocols.

Matatandaan na ang Pasay ikinokonsiderang isa sa may pinakamataas na bilang ng kaso ng COVID-19 sa Metro Manila ng nakaraang taon dahil ito ay sentro ng kalakalan kung saan karamihan ng uri ng transportasyon tulad ng paliparan, bus terminal at light railway transit (LRT) ay matatagpuan sa lungsod. MARIVIC FERNANDEZ