(Pasay LGU, police at NAPOLCOM) MOA VS CRIME PREVENTION NILAGDAAN

LUMAGDA sa memorandum of agreement (MOA) ang lokal na pamahalaan, lokal na pulisya, representante ng Liga ng mga Barangay at opisyal ng National Police Commission (NAPOLCOM) para sa community and service-oriented policing (CSOP) system.

Kabilang sa mga lumagda sa MOA sina City Mayor Emi Calixto-Rubiano; city police chief Col. Froilan Uy; Julie Gonzales mula sa Liga ng mga Barangay at NAPOLCOM Commissioner Alberto Bernardo.

Ang CSOP system ay pinagtibay bilang isang pundasyon at backbone ng community-oriented policing at estratehiya para sa crime prevention sa bansa.

Itinutulak ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang pagpapatibay ng Peace and Order Councils (POCs) ng local government units (LGUs) sa pamamagitan ng pagpapatibay ng peace and order and public safety (POPS) planning.

Ang POPS planning ay isang proseso ng pamamaraan na makatutulong sa mga plano na akma sa lokal na kriminalidad at iba pang pampublikong seguridad at isyu ng kaligtasan sa lungsod.

Nagsisilbi rin ito bilang suporta sa comprehensive development plan ng lokal na pamahalaan.

Ayon sa alkalde, nakatuon ang lokal na pamahalaan sa pagpapabuti ng sistema sa pamamagitan ng iba’t-ibang programa tulad ng barangayanihan, pagbabalik ng PNP KASIMBAYANAN (Kapulisan, Simbahan at Pamayanan), at BIDA (Buhay Ingatan, Droga’y Ayawan).

Sa ilalim naman ng pamumuno ni Uy, ipinatutupad ng lokal na pulisya ang pamamahala at pagkontrol sa mahigit 10 police sub-stations na siyang responsable sa pananatili ng kapayapaan at kaayusan ng lungsod.

Nakikipag-ugnayan din ang lokal na pulisya sa iba pang ahensiya ng nagpapatupad ng batas na tutugon sa problema ng kriminalidad at internal security.

Ang lahat ng stakeholders ang magbabahagi ng impormasyon, pondo, personnel, at logistics services na magpapatupad at magdaragdag ng programa.

Napagkasunduan din ng grupo ang pagbuo ng POPS Plan o Integrated Area/Community Public Safety Plan (IACPSP) na naaayon sa guidelines na manggagaling sa DILG.

Saklaw ng MOA ang implementasyon ng pinagsamang programa, proyekto, serbisyo at aktibidad na nakapaloob sa CSOP framework na nasa POPS plan; at pagpapatibay at implementasyon ng iba pang programa na magdudulot ng mas madaling access at pagdeliver ng serbisyo sa hustisya. MARIVIC FERNANDEZ