PASAY, PARAÑAQUE 2-ARAW MAWAWALAN NG TUBIG

ILANG barangay sa mga lungsod ng Parañaque at Pasay ang makararanas ng kawalan ng tubig mula Mayo 25 hanggang Mayo 26, 2023.

Sa Parañaque City, ang mga sumusunod na barangay ang makararanas ng dalawang araw ng kawalan ng tubig mula alas-12:01 ng hatinggabi ng Mayo 25 hanggang alas-11:59 ng gabi ng Mayo 26 ay ang Barangay BF Homes, Barangay Don Bosco, Barangay Marcelo Green, Barangay San Antonio at Barangay San Martin De Porres.

Mula alas-8 ng gabi ng Mayo 25 hanggang alas-6 ng umaga Mayo 26 na may kabuuang 10 oras na mawawalan ng suplay ng tubig ang mga residente ng mga barangay ng Barangay Marcelo Green, Barangay Merville, Barangay Moonwalk at Barangay San Antonio.

17 oras namang mawawalan ng suplay ng tubig ang Barangay BF Homes at BF International na magsisimula ng alas-12:01 ng hatinggabi hanggang ala-5 ng hapon ng Mayo 25.

Samantalang sa Pasay City, anim na barangay lamang ang makararanas ng 10 oras ng pagkawala ng suplay ng tubig na kinabibilangan ng mga Barangays 181-185 at Barangay 201 na nakatakda ang implementasyon sa darating na Mayo 25 ng alas-8 ng gabi at magtatagal ng hanggang ala-6 ng umaga kinabukasan.

Ayon sa Maynilad Water Services, Inc., ang isasagawang water service interruption ay dulot ng pagbibigay-daan sa pagsasaayos ng tagas sa ultrafiltration backwash valve sa Putatan Water Treatment Plant 2 sa Muntinlupa City.

Pinapayuhan ang lahat ng mga apektadong residente na mag-ipon ng sapat na tubig bago ang takdang oras ng interruption.

Para sa iba pang katanungan o kaugnay na concern, bisitahin lamang ang Facebook page ng Maynilad Water Services, Inc. MARIVIC FERNANDEZ