NAKATAKDANG lumahok ang lungsod ng Pasay at Parañaque sa isasagawang ‘Kadiwa ng Pangulo Diskwento Caravan’ sa darating na Lunes, Hulyo 17.
Ang paglahok ng dalawang lungsod ay bilang tugon sa panawagan ng Department of Interior and Local Government (DILG) sa lahat ng local government units (LGUs) sa bansa na lumahok sa nabanggit na diskwento caravan.
Ayon kay Parañaque City Mayor Eric Olivarez, isasagawa ang ‘Kadiwa ng Pangulo Diskwento Caravan’ sa Parañaque City Hall grounds mula alas-8 ng umaga hanggang ala-5 ng hapon.
Aabot sa 22 micro, small at medium enterprises (MSMEs) ang magtitinda ng kanilang produkto sa bukid sa murang halaga habang ang Kadiwa mobile stores naman ay mag-iikot sa buong lungsod mula Lunes hanggang Linggo.
Tuwing Lunes, ang Kadiwa mobile store ay mananatili sa Raya Gardens, Barangay Merville at Bricktown Subdivision sa Barangay Moonwalk.
Sa araw naman ng Miyerkules, ang Kadiwa mobile store ay nasa Area 1, Fourth Estate Subdivision, Barangay San Antonio; Phimra Subdivision, Barangay Moonwalk; Levitown, Better Living Subdivision sa Barangay Don Bosco; at Airport Village sa Barangay Moonwalk.
Nasa ROMVI sa Barangay Moonwalk at Parañaque City Hall grounds naman ang Kadiwa mobile store sa tuwing araw ng Biyernes.
Gayundin, tuwing Linggo ay nakaiskedyul ang Kadiwa mobile store sa Aeropark Subdivision, Barangay Don Bosco at Fountain Breeze Condominium, Barangay San Isidro; Petron gas station sa Doña Soledad, Barangay Don Bosco at Camella Homes Classic sa Barangay San Antonio habang ang Kadiwa mobile store sa Petron Station, Barangay San Antonio naman ay mananatiling bukas mula Lunes hanggang Linggo.
Sa Pasay City, sinabi ni Mayor Emi Calixto-Rubiano na bibisita sa Lunes ang ‘Kadiwa ng Pangulo Diskwento Caravan’ sa Pasay City Hall parking grounds.
Magsisimula ang pagbebenta ng mga produkto ng alas-8 ng umaga kung saan maaaring makapamili ng mga murang bigas, gulay, prutas, karne at iba pang bilihin ang mga residente ng lungsod.
Ang ‘Kadiwa ng Pangulo Diskwento Caravan’ ay hatid ng Tanggapan ni Pangulong Bongbong Marcos, Department of Agriculture (DA), Department of Trade and Industry (DTI) katuwang ang ang lokal na pamahalaan at ang Pasay City Cooperative Office (PCCO). MARIVIC FERNANDEZ