PASAY TUMANGGAP NG 1K DONASYONG BAKUNA

TUMANGGAP ang pamahalaang lokal ng Pasay City ng donasyong 1,000 doses ng AstraZeneca vaccines mula sa Suyen Corporation na malaking maitutulong sa programang baksinasyon na “Vacc to the Future”.

Sinalubong din ni Mayor Emi Calixto-Rubiano si Suyen Corporation/Bench Vice President for Business Development Bryan Lim at General Manager Jude Ong sa isinagawang simpleng turnover ceremony ng donasyon noong Nobyembre 2.

Pinasalamatan ang Suyen Corporation sa kanilang donasyong ipinagkaloob sa lokal na pamahalaan at sinabing makatutulong ang naturang donasyon sa pakikipaglaban ng lungsod sa pagsugpo sa COVID-19.

Napag-alaman na nakapagbigay na ang lungsod ng kabuuang 523,514 vaccines sa mga residente.

Sa patuloy na pagbaba ng COVID-19 cases sa lungsod ay nakapagtala na lamang ang lungsod 62 kaso kahapon (Nobyembre 6) na mayroong 9 na bagong recoveries.

Bukod sa patuloy na pagsasagawa ng baksinasyon sa lungsod ay namamahagi din ang lokal na pamahalaan ng mga masusustansyang pagkain sa mga COVID-19 patients kada isang lingo para makatulong na rin sa kanilang mabilis na pagpapagaling.

Hindi rin nagpapabaya ang lokal na pamahalaan sa pagbibigay ng full medical attention sa mga COVID-19 patients. MARIVIC FERNANDEZ