PASAY UMANGKAT NG CREMATORY MACHINE

UMANGKAT ng bago at modernong crematory machine ang lokal na pamahalaan ng Pasay upang mapalitan ang lumang crematory machine ng Pasay City Public Cemetery and Crematorium na nakagbigay na ng serbisyo sa lungsod sa loob ng 15 taon.

Ayon kay Laura Leonen, administrator ng Pasay City Public Cemetery and Crematorium, dalawa ang kanilang crematory machine kung saan ang kanilang unang ginagamit ay nakapagbigay na ng serbisyo simula pa noong 2006 habang ang ikalawang crematory machine ay dumating noong taong 2010.

Sinabi ni Leonen na nakatakdang kalasin ang kanilang lumang crematory machine kapag dumating na ang bagong angkat na makina sa Abril 19.

Ang naturang crematorium ng lungsod ay hindi lamang nagbibigay serbisyo sa mga residente ng Pasay kundi pati na rin sa mga karatig lungsod tulad ng Makati, Las Pinas at Parañaque lalo pa sa panahon ngayon ng pandemya na karamihan sa mga namamatay ay dulot COVID-19 na kinakailangan na agad i-cremate.

Aniya, noong wala pang pandemya ay nakapagsasagawa lamang sila ng cremation ng hanggang 8 cadaver sa isang araw ngunit matapos kumalat ang pandemya ng virus ay nadoble ang bilang nito na umaabot na sa 16 cadaver kada araw.

At dahil sa patuloy na pagdami ng mga namamatay sa COVID-19 ang kinakailangang agad na mai-cremate ay lumobo na ang bilang nito na umaabot na sa 30 cadaver kada araw bukod pa rito ang mga ambulansiya na makikitang nakapila sa labas ng crematorium.

Kasabay nito, ibinahagi na rin ni Leonen ang kanilang accomplishment report sa unang quarter ng taong kasalukuyan.

Sa bilang ng mga nailibing sa naturang sementeryo, mayroong 58 sa buwan ng Enero; 61 sa buwan ng Pebrero at 62 naman sa buwan ng Marso na may kabuuang bilang na 181.

Ang mga nai-cremate naman sa buwan ng Enero ay 46; 63 sa buwan ng Pebrero at biglang lumobo sa 405 nito lamang Marso na may kabuuang bilang na 514.

Sa kategorya ng number of lease contracts issued, mayroong 227 na naitala sa buwan ng Enero; 191 sa buwan ng Pebrero habang mayroong 105 naman sa buwan ng Marso at may kabuuang 523. MARIVIC FERNANDEZ

4 thoughts on “PASAY UMANGKAT NG CREMATORY MACHINE”

Comments are closed.