PASIG ABOT-KAMAY NA ANG OVERALL CROWN SA 2024 NAT’L PARA GAMES

ABOT-KAMAY na ng City of Pasig ang pangkalahatang kampeonato habang nagpakita ng husay ang Baguio City sa archery, Zamboanga City sa swimming at Cainta sa larong Boccia sa huling araw ng kompetisyon ng nagbabalik na Philippine National Para Games na ginanap sa Rizal Memorial Sports Complex at PhilSports Arena.

Humakot ang Baguio City ng kabuuang siyam na ginto sa archery habang nilangoy ng Zamboanga ang siyam din na ginto Huwebes ng umaga upang alugin ang overall standings kung saan nangunguna ang City of Pasig na abot-kamay na ang korona sa paghablot ng kabuuang 33 ginto, 22 pilak at 20 tanso.

Iniuwi naman ng Cainta ang dalawa sa apat na gintong medalyang nakataya sa Boccia bago isagawa ang closing ceremony ng torneo sa ganap na alas-3 ng hapon.

Huling idinagdag ng City of Pasig ang anim na gintong medalya sa swimming upang isama sa dinomina nitong athletics at pagwawagi sa chess, powerlifting, table tennis at wheelchair basketball.

Nagwagi naman si Joey De Leon ng Marikina sa Boccia Class 1, Eugenia Badoles ng Antipolo sa BC2, Louise Lontiong ng Cainta sa BC3 at Michelle Fernandez ng Cainta sa BC4.

Nagsubi naman ang partially blind na si Allan Salientes ng Cebu City ng kabuuang tatlong 3 ginto at 1 pilak upang tanghaling may pinakamaraming medalya sa Para Chess.

Si Salientes, isang first timer sa PNPG ngayong taon, ay umangkin ng ginto at pilak sa men’s rapid B2 individual at team bago nagdagdag ng ginto sa men’s standard B2 category.
CLYDE MARIANO