Muling binuksan ng pamahalaang lungsod ng Pasig ngayong ika-isa hanggang ika-siyam ng Agosto ang pagtanggap sa mga nagnanais na maging iskolar ng naturang lungsod.
Ito ay sa ilalim ng Pasig City Scholarship Program (PCSP) sa pamumuno ng Punong Lungsod Mayor Vico Sotto.
Layunin ng programa na matulungan ang mga mag-aaral na maipagpatuloy ang kanilang pag-aaral sa pamamagitan ng pagbibigay ng buwanang tulong o monthly allowance para sa kanilang mga gastusin sa pag-aaral. Ito rin ay naglalayong mahikayat ang mga mag-aaral na higit pang pagbutihin ang kanilang pag-aaral upang maging kwalipikado sa nasabing programa.
Ang scholarship program na ito ay bukas para sa mga mag-aaral mula ikaaapat na baitang hanggang kolehiyo mula sa mga pampubliko at pribadong eskwelahan ng lungsod ng Pasig.
Noong 2019, mayroon lamang 12,000 hanggang 13,000 na bilang ng mga iskolar. Noong nakaraang taon, nasa 20,000 hanggang 23,000 na ang bilang ng mga iskolar sa nasabing programa. At ngayon ay nasa 3,000 hanggang 3500 na mga bagong iskolar ang madadagdag at tatanggapin para sa Taong Panuruan 2023-2024 kaya tinatayang papalo na sa 25,000 ang bilang ng mga iskolar ngayong taon.
Ang naturang bilang ay hahatiin sa mga mag-aaral mula elementarya hanggang kolehiyo at masusing pipipiliin base sa buwanang kita ng pamilya at sa kanilang nakuhang grado.
Tunay ngang ito ay isang malaking tulong upang matustusan ang kanilang pang-araw araw na pangangailangan at gastusin sa kanilang pag-aaral.
Sa programang ito, tiyak na walang Pasigueño ang maiiwan sa edukasyon, bagkus ay sama-sama nilang maaabot ang tagumpay.