PASINAYA SA BUWAN NG WIKA 2018 FILIPINO: WIKA NG SALIKSIK

BUWAN WIKA

“Wikang Filipino! Wika ng Marunong!”

Sinimulan sa isang masiglang ‘Lakad para sa Wika’ ang programa ng pagtalakay ng mga nakalinyang programa ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) sa gina­nap na Kapihang Wika sa Komisyon para sa Kultura at mga Sining, Intramuros, Manila.

Itinampok sa kapihan ang mga nakatakdang programa ng KWF para sa darating na buwan ng Agos­to, ang Buwan ng Wikang Pambansa. Naka­sentro ang diskusiyon sa pagtalakay ng kanilang programa hinggil sa pagpapabuti at pagpapayaman ng wikang pambansa.

Ipinaliwanag ng Ta­gapangulo ng KWF at National Artist na si Virgilio S. Almario na ang tema para sa darating na Buwan ng Wika ay Filipino: Wika ng Saliksik, ito ay bilang pagkilala sa wikang pambansa bilang midyum sa paglikha at pagpapalaganap ng pambansang karunungan at kaunlaran.

Dagdag ni Almario, simula taong 2016, itinaas ng KWF ang kanilang kampanya sa pagsulong at pagpapatibay ng wikang pambansa.

Sa kasalukuyan ay tinatahak ng KWF ang ikawalang antas ng kanilang kampanya para sa wika patungo sa istan­dardisasyon nito. Dito ay tinalakay ni Almario ang intelektuwalisasyon ng wika kung saan isa itong paraan ng modernisasyon.

Nais iparating ng Komisyon sa mga Filipino na ang wikang Filipino ay wika ng karunungan, na hindi lamang ito ginagamit sa pang-araw-araw ngunit dapat din itong gamitin sa pormal na diskurso at mataas na uri ng pagsulat.

Ayon kay Almario, ang kagustuhan ng ating bansa na makilahok sa globalisasyon ay hindi maisasakatuparan kung hindi tayo magsasagawa ng mga pananaliksik.

BUWAN WIKA
Mula sa kaliwa: Dr. Fortunato Sevilla III, Dr. Galileo S. Zafra, National Artist Virgilio S. Almario, Atty. Anna Katarina B. Rodriguez, Propesor Alvin Ringgo Reyes, Dr. Zendel R. Taruc, mga panauhaing pandangal sa Kapihang Wika, Pasinaya sa Buwan ng Wika 2018.

Binigyang-diin pa nito na ang saliksik ay dapat maging esensyal na bahagi ng edukasyon at mas magiging epektibo ang pagtuturo ng saliksik kung ito ay nasa wikang Filipino upang higit itong maintindihan ng mga mag-aaral.

Maraming inisyatibo ang KWF para isulong ang wikang pambansa at pagkaisahin ang iba’t ibang wika sa buong bansa. Hindi maitatanggi ang katotohanan na dahil ang bansa ay isang arkipelago na binubuo ng iba’t ibang grupong etniko, ganoon din kabuhay ang dami ng wika sa bansa.

Pinasinayaan naman ni Dr. Galileo S. Zafra ng Unibersidad ng Pilipinas, ang pagbubukas ng komperensiya ng Pambansang Kongreso sa Wika at ang programa nito na Adyenda sa Pagbuo ng Gramatikang Pambansa. Ito ang magiging daan upang iangat ang saliksik sa wikang pambansa.

Inilatag niya ang tatlong pangunahin layunin ng kongreso sa darating na Agosto 2-4 na gaganapin sa Unibersidad ng Sto. Tomas. Isa itong tatlong araw na pagtitipon at inaasahang dadaluhan ng iba’t ibang propesyunal mula sa mga guro, iskolar, manunulat at iba pang nais na mapaunlad ang wikang pambansa.

Ilan sa mga inilatag na layunin ng komperensiya ay ang maisakonteksto ang pag-aaral ng gramatika sa pangkalahatang larang ng pag-aaral ng wika, masuri ang nilalamang panggramatika ng Kurikulum ng K-12, matalakay ang mga aspekto at katangian ng ilang pangunahing katutubong wika sa bansa, at talakayin ang ilang estratehiya ng pagtuturo ng gramatika.

Layunin din ng kongreso na makita ang katangian ng wikang Filipino na sinasalita sa ibang rehiyon upang maisama ito sa barayti  ng wika at ang huli ay ilarawan ang wikang Filipino bilang lingua franca at paano ginagamit ng midya ang wikang Filipino.

Hindi isang mabilis na proseso ang pagbuo ng gramatikang pambansa at maaaring abutin ng dalawa o tatlong taon, ayon kay Dr. Zafra.

Nakita ng KWF ang malaking pa­ngangailangan sa pagsasalin dito sa ating bansa. Paraan ito upang makipagsabayan tayo sa palitang ng kaalamang global.

Tinalakay naman ni Propesor Alvin Ringgo Reyes ang mga isyu tungkol sa pagsasalin sa bansa na nagtulak sa kanila upang mas pag-ibayuhin ang pagsasanay. Inihain nila ang Sentro ng Salin sa Unibersidad ng Sto. Tomas.

Isa sa layon ng Sentro ng Salin ay ang itaas ang kaalaman ng bayan na ang pagsasalin ay hindi isang basta-bastang gawain  kundi isa itong propesyon.

Sa pagbubukas ng Sentro ng Salin, ilan sa kanilang mga serbisyo ang pagsesertipika o pagbibigay ng selyo ng salin para sa mga akdang isinalin upang matiyak ang kalidad nito. Kasama rito ang sertipiko ng pagsasalin upang kilalanin ang kahusayan sa disiplina.

Pangungunahan ng KWF ang pagsasanay sa mga magiging parte ng Sentro at sila rin ang magbibigay ng sertipikasyon ng pagkilala sa kanilang kaalaman.

Samantalan, pina­ngunahan naman ni Atty. Anna Katarina Rodriguez, Direktor Heneral ng KWF, ang presentasyon ng mga gawain para sa darating na Buwan ng Wika. Sa mga detalye o kaalaman tungkol sa Buwan ng Wika 2018, maaaring puntahan ang kanilang website at Facebook page.  TEXT AND PHOTOS BY MARY ROSE AGAPITO

Comments are closed.