Masakit ang mawalan ng minamahal, lalo pa’t ang lumisan ay iyong magulang.
Nitong nagdaang buwan, sunud-sunod na lumisan upang magtungonsa kabilang buhay ang mga kaanak ng ating mga kaibigan. Ganyan talaga ang buhay — isisilang ka at pagkatapos ay mamamatay. Maswerte ang binibigyan ng pagkakataong makapiling ang kanilang minamahal ng mahaba-habang panahon. Yung nakaranas magmahal at mahalin. Ngunit gaano man kaikli o katagal ang inilagi ng tao sa mundo, tao pa rin siyang nagmula sa alabok at sa alabok rin magbabalik.
Bilang Filipino, marami tayong sinusunod na ritwal base sa ating tradisyon at kultura. Isa na rito ang pasiyam.
Matapos ang burol at libing, nag-aalay ng dasal ang mga naiwan ng namatay. May espesyal na dasal ang mga Filipino Catholic para sa patay, kung saan ginagamit ang litanya ng rosaryo na sinasagot ng “Kaawa’t patawarin ang kaluluwa __ (pangalan ng namatay). Bawat gabi, sa loob ng siyam na araw ay darasalin ang litanya sa harap ng altar kung saan kasama sa altar ang larawan ng pumanaw. Ito ay isang uri ng novena na alay sa kaluluwa ng pumanaw, upang maging gabay umano sa kanyang paglalakbay patungo sa kabilang buhay.
Ang huling araw ng padasal ay tinatawag na PASIYAM o pagsisiyam.
Naniniwala Ang mga Filipino na ang kaluluwa ng namatay ay nananatili sa mundo ng mga buhay believe sa loob ng 40 araw matapos malagutan ng hininga. Upang maprotektahan ang gumagalang kaluluwa ng namatay sa masasamang elementong magliligaw sa kanya, at upang matulungan siyang makita ang liwanag na magdadala sa kanya sa dako pa roon, isinasagawa ng pamilya, kaibigan at kaanak ang ‘pasiyam’ o ‘pagsisiyam’. Sa ikasiyam na araw ay may malaking handaan upang makarawag-pansin sa iba pang magdarasal. Naniniwala ang mga Pinoy na mas maraming nagdarasal, mas malakas ang gabay na tinig, kaya mas madaling makikita ng kaluluwa ang daan.
Sa Pilipinas, ang libing ay bahagi lamang na mahabang riwal ng pagluluksa. Ganoon din ang PASIYAM. Sa ibang Lugar sa bansa, nagsisimula ang matapos ilibing Ang namatay, ngunit sa Katagalugan, lalo na sa mga Batangueño, sinisimulan ito sa mismong unang gabi ng burol. Dahil kadalasang tatlong araw lamang ang burol, kahit nailibing na ang namatay ay patuloy pa rin ang pagdarasal hanggang siyam na araw.
Ang nasabing tradisyon at ginagawa na ng mga sinaunang Filipino bago pa dumating ang mga Kastila. Naniniwala ang ating mga ninunong ang kaluluwa ng namatay ay nagtutungo sa spirit world sa ikasiyam na araw matapos mamatay. Iba ang mga riwal at dasal na kanilang ginagawa noong unang panahon, at kahit anong gawin ng mga prayle ay hindi nila masawata ang tradisyon at kulturang ginagawa na nila ng ilang daang taon. Kalaunan, napilitan
Ang mga prayleng hayaan na lamang sila sa kanilang nakasanayan. Ngunit pinalitan nila ang sinaunang ritwal ng pagdarasal ng rosaryo, at ginawa na rin itong novena. Idinagdag pa nila ang cuarenta diaz o 40 days, bilang pag-alala sa resureksyon, o pag-akyat ni Jesus sa langit.
Sa nasabing dalawang okasyon, kapwa may padasal ng litanya at pormal na handaan para sa mga nagsidalo.