PASKO 2020 POSTAGE STAMPS INILUNSAD NG PHLPOST

pasko 2020

BILANG pagdiriwang ng National Stamp Collecting Month (NSCM), inilunsad ng Philippine Postal Corporation (PHLPost) ang bagong selyo tampok ang “Pasko (Christmas) 2020”, isang pagpupugay sa modernong pamilyang Filipino.

Ayon sa PHLPost, ang diwa ng Kapaskuhan ay ipinagdiriwang at nagsisimula sa pamilyang Filipino.

Sa kasalukuyan, malaki ang hamon para sa pamilyang Filipino ang dulot ng sabay-sabay na sakuna na dumating sa bansa tulad ng pagputok ng Taal Volcano, ang kasalukuyang Covid-19 pandemic at ang nakaraang mga bagyo tulad ng Rolly at Ulysses.

Anila, ipinagmamalaki ng serbisyo postal ang naging kontribusyon ng pamilyang Filipino sa pagtulong sa ating mga kababayan sa pagbangon dulot ng mga pinsala ng mga nagdaang trahedya na dumating sa bansa.

“Ngunit, sa kabila nito, ang lahat ng mamamayan ay may tungkulin at responsibilidad na tumulong sa kapwa, at ito ay magsisimula sa pamilya, bilang pangunahing yunit ng lipunan,” ayon sa PHLPost.

Tampok sa “Pasko 2020” na selyo ang larawan ng isang kotemporaryo at payak na pamilya na nagtitipon upang  maging positibo ang pananaw sa kabila ng mga problema at krisis na dinaranas.  Habang sa gitna ay makikita ang tradisyunal na parol na siyang kumakatawan sa selebrasyon ng kapaskuhan sa Filipinas.

Nag-imprenta ang PHLPost ng 10,000 kopya ng selyo sa halagang P12.00 bawat isa.  Ang in-house graphic artist na si Eunice Beatrix U. Dabu ang nag-disenyo ng naturang Christmas Stamps.

Ang stamps at Official First Day Covers ng “Pasko 2020” ay mabibili sa Philatelic Counter ng Manila Central Post Office, Mega Manila Area Post Offices, Area 1, Tuguegarao, Area 2, San Fernando, La Union, Postal Area 4, San Pablo, Postal Area 5, Mandaue, Postal Area 6, Iloilo, Postal Area 7, Davao, Postal Area 8, Cagayan de Oro, at Postal Area 9, Zamboanga.

Comments are closed.