ISABELA – TATLO katao ang nasawi habang isa ang sugatan matapos na magsalpukan ang dalawang motorsiklo dakong alas-4:40 ng hapon noong Linggo sa Barangay Nueva Era, Cabatuan.
Nakilala ang nasawi na si Adonis Balagat, 40, tsuper ng RUSI single motorcycle, isang construction worker, residente ng Barangay San Manuel, San Mateo, Isabela.
Habang patay rin ang tsuper ng isa pang motorsiklo na si Elias Celeste, 23, binata, residente ng Andabuena, Benito Soliven, Isabela, nasawi rin ang angkas nitong 9-anyos na si Marvie de Menia at sugatan naman ang isa pang angkas ni Celeste na si Rose de Menia, 18-anyos.
Ayon kay P/Master Sgt. Armando Felipe, imbestigador ng Cabatuan Police Station na habang mabilis na binabagtas ni Balagat ang daang Maharlika sa nasabing barangay patungong direksiyon ng San Mateo nang bigla siyang lumipat ng linya na dahilan upang masalpok ang paparating na motorsiklo na sinasakyan ng tatlong biktima.
Napag-alaman pa na habang tinatahak nila Elias Celeste at Rose de Menia lulan ng motorsiklo ay nasa pagitan nilang dalawa ang batang siyam na taong gulang nang banggain sila ni Balagat na tumilapon ng may ilang metro ang nasawing siyam na taong gulang na si Marvie.
Dinala sila sa ospital subalit idineklarang dead on arrival ng attending physician sina Adonis Balagat, Elias Celeste at Marvie de Menia.
Sinasabing nakainom ng alak si Balagat na galing sa trabaho at mabilis ang pagpapatakbo ng kanyang motorsiklo nang mangyari ang aksidente. IRENE GONZALES
Comments are closed.