PASLIT DUROG SA GUMUHONG PADER

ILOILO CITY-HALOS nalasog ang murang katawan ng isang limang taong gulang na batang lalaki matapos mabagsakan ng gumuhong pader ng isang bahay sa lalawigang ito kamakalawa ng hapon.

Sa inisyal na ulat ng Iloilo City PNP hinihinalang bunsod ng walang humpay na pag ulan sa kanilang lugar ay posibleng lumambot ang lupa na tinatayuan ng pader kaya gumuho.

Dahilan para mabagsakan naman ang tinitirhan ng biktimang si Christian Aguilar Sorongon na nasa ibabang bahagi habang nasa taas naman ang gumuhong pader.

Sinasabing yari lamang sa light materials ang bahay ng mga biktima sa Barangay Poblacion Ila­ya kaya malubha ring nasugatan sina Shaina Mae Panila, 19-anyos, at Joland Sampiano, 23-anyos na parehong nakatira sa lugar.

Nahirapan ang mga rescuer na sagipin ang mga naipit na biktima.

Mabilis na dinala sa ospital ng mga awtoridad ang mga ito pero, idineklarang dead on arrival si Sorongon matapos magtamo ng malubhang sugat sa ulo.

Bunsod nito ay nagbabala ang local disaster risk reduction management office sa mga residente na mag-ingat, lalong-lalo na ang mga nakatira sa mga flood-prone at landslide-prone area ng lungsod lalo na at papasok na ulit ang tag ulan. VERLIN RUIZ