PASLIT NA POSITIBO SA CORONA VIRUS TINUTUTUKAN

Coronavirus

INIIMBESTIGAHAN ng Department of Health (DOH) ang kaso ng isang limang taong gulang na batang lalaki na bumiyahe mula sa Wu-han, China, at kinailangang i-admit sa Cebu City matapos na makitaan ng lagnat, iritasyon ng lalamunan at ubo, at kalaunan ay nakumpirmang nagtataglay ng isang ‘non-specific pancoronavirus assay.’

Sa isang pulong balitaan, sinabi ni Health Secretary Francisco Duque III na ang pas­lit ay dumating sa Cebu City noong Enero 12, dakong alas-3 ng hapon na agad na iniulat ng mga awtoridad sa Regional Epidemiology & Surveillance Unit ng Central Visayas Center for Health Development, at inien-dorso ang bata para sa admission dakong ala-6 ng gabi matapos na makitaan ng mga sintomas ng sakit.

Nagtungo lamang umano ang paslit sa bansa upang mag-aral ng wikang Ingles.

Ayon sa kalihim, hanggang sa kasalukuyan ay dumaranas pa ang paslit ng ubo, ngunit maayos na ang kondisyon ng kalusugan nito at wala na rin itong lagnat.

Aniya, una nang sinuri ng Research Institute for Tropical Medicine (RITM) ang mga kinuhang samples mula sa pas­yente at nag-negatibo naman ito sa Middle East Respiratory Syndrome-related Coronavirus (MERS-CoV) at maging sa Severe Acute Respiratory Syndrome-related Coronavirus (SARS-CoV).

Gayunman, nag-positibo ito sa non-specific pancoronavirus assay, kaya’t kinailangang ipa­dala ang specimen ng pasyente sa Australia upang matukoy ang ispesipikong coronavirus strain na dumapo rito.

Nilinaw naman ng DOH na ang virus na nakita sa bata ay maaaring ang bagong coronavirus na 2019-nCoV na natukoy sa Wuhan, o ‘di kaya’y iba pang uri ng coronaviruses.

Samantala, iniulat na rin ng DOH na tatlong indibiduwal pa na nakitaan rin ng mga flu-like symptoms ang kasalukuyan na rin nilang mino-monitor.

Ang mga ito ay mula umano sa China at pumasok sa bansa mula sa Kalibo International Airport.

Wala naman umano silang history of travel mula sa Wuhan, China at wala ring naging kontak sa confirmed 2019 novel coronavirus (2019-nCoV) case, Severe Acute Respiratory Illness case, o anumang may sakit na hayop.

Ang throat samples ng mga pasyente ay naipadala na umano sa RITM upang masuri. Nasa mabuting lagay na rin umano ang tatlo at hindi na nakikitaan ng anumang sintomas ng sakit.

Nabatid na ang coronaviruses ay isang malaking pamilya ng viruses na mula sa common cold hanggang sa mas seryosong impeksiyon tulad ng MERS-CoV at SARS-CoV.

Ilan umano sa mga sintomas ng coronavirus infection gaya ng respiratory symptoms, lagnat, ubo, at pangangapos o hirap na paghinga.

Babala naman ng DOH, ang mga malalalang kaso ng sakit ay nagdudulot ng pneumonia, acute respiratory syndrome, kidney failure, at ma­ging ka-matayan.

Matatandaang mahigpit ang pagbabantay ngayon ng DOH at ng Bureau of Quarantine (BOQ) sa mga paliparan matapos na mapaulat noong Disyembre 31, 2019 ang pagdami ng mga kaso ng pneumonia na hindi batid ang pinagmulan sa Wuhan, China, na kalaunan ay natukoy na sanhi ng 2019-nCoV, isang bagong coronavirus strain na hindi pa nakita sa tao.

Ayon sa DOH, sa kasalukuyan, nasa 222 na ang 2019-nCoV cases na naitatala sa China, at karamihan sa mga ito ay mula sa Wuhan, bagama’t mayroon na ring naitalang kaso sa Beijing at Shenzhen.

Maging ang mga bansang Thailand, Japan, at South Korea ay nakapagtala na rin umano ng mga kumpirmadong kaso ng naturang sakit.

Tiniyak naman ng mga opisyal ng DOH at ng BOQ na istrikto silang nakikipag-ugnayan sa mga airlines at airport authorities upang mapalakas pa ang border surveillance, habang pinalalakas rin ng Epidemiology Bureau ang kanilang community surveillance upang hindi makapasok sa bansa ang naturang bagong karamdaman.

Kaugnay nito, hinihikayat naman ni Duque ang lahat ng mga health worker na ma­ging vigilante at magsagawa ng extra precautionary measures sakaling magkaroon ng contact sa mga pasyenteng may acute respiratory infection, lalo na kung may travel history ang mga ito sa China.

Pinayuhan din nito ang publiko na palagiang maghugas ng kamay at iwasan ang hindi protektadong kontak sa mga farm at wild animals.

Sakali naman umanong may ubo o babahing ay ugaliing magtakip ng bibig gamit ang tissue o malinis na panyo at iwasan na lamang lumabas ng tahanan upang hindi na makahawa ng iba pa.

Dapat rin umanong umiwas ang publiko sa pagkakaroon ng close contact sa mga taong mayroong cold o flu-like symptoms at tiyaking ang mga pagkain ay nalutong mabuti.

Maging ang mga biyahero na papasok ng bansa, na mayroong sintomas ng respiratory illness, ay hinikayat rin naman ni Duque na kaagad na kumonsulta sa doktor upang mabigyan ng kaukulang lunas. ANA ROSARIO HERNANDEZ

Comments are closed.