PASLIT NAILIGTAS, HOSTAGE TAKER SUMUKO

MATAPOS ang ilang oras na negosasyon, sumuko ang 34-anyos na suspek sa pangho-hostage sa isang bata sa Pasig City.

Sa ulat ni Col. Celerino Sacro Jr., hepe ng pulisya, kinilala ang hostage taker na si alyas Luigie ng Pinagbuhatan ng nasabing lungsod.

Nauna rito, hinabol ng taumbayan ang suspek na pinagbintangang magnanakaw sa lugar.

Pumasok ang suspek sa bahay ng isang nagngangalang Edwin at ginawang hostage ang 5-anyos na bata para makaiwas na mga tumutugis sa kanya.

Dahil dito, agad inatasan ni Sacro ang grupo ng Special Weapon and Tactics (SWAT) sa pamumuno ni Capt. Melvin Balbag kasama ang grupo ni Cpl. Gilbert Casis ng Sub-station 5.

Sumuko ang suspek at nakuha rito ang isang bread knife na siyang ginamit sa pangho-hostage. ELMA MORALES