PASLIT PATAY SA SUNOG

CEBU- KALUNOS-lunos ang sinapit ng isang sampung taong gulang na batang lalaki na binawian ng buhay matapos na kasamang lamunin ng apoy ang kanilang bahay sa Barangay Talamban nitong madaling araw ng Martes.

Ang biktima na binawian ng buhay ay kinilalang si Nathan Jade Villamor, residente sa nabanggit na lugar.

Sinabi ng pulisya na natutulog ang biktima nang masunog ang bahay dakong alas-2 ng madaling araw.

Sinabi ng ina ng biktima na lumabas siya para bumili ng kung ano-ano at nasa Carbon Market naman ang lola ng bata nang sumiklab ang apoy.

Samantalang ang ama ng biktimang si Nathan na si Chris Jade Rambutan ay nagtatrabaho sa Maynila matapos silang maghiwalay ng kanyang asawa.

Sinabi ni Major Alvino Enguito, hepe ng Talamban police station na patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad hinggil sa nasabing insidente.
EVELYN GARCIA