PASLIT UTAS, 3 SUGATAN SA HIT AND RUN

ISABELA- IDINEKLARANG dead on arrival isang bata habang tatlo ang sugatan matapos na mabiktima ng hit-and-run sakay ng isang Rusi Macho 125 single motorcycle sa Brgy. San Juan, Echague sa lalawigang ito.

Sa report ng pulisya, kinilala ang nasawi na si Angelo Rian Estoce, 8-anyos at sugatan na sina Richard Estoce, 31-anyos at residente ng Pangal Norte, Echague, Isabela at mga angkas na si Daisy Batag, 30- anyos at Xiaxie Estoce, 3-anyos .

Habang hindi pa matukoy ang pagkakakilanlan ng suspek sakay ng dark blue Toyota Corolla na walang plaka.

Nabatid na nagkasalungat na binabaybay ng motorsiklo at kotse ang lansangan kung saan patungo sa silangang direksyon ang minamaneho ni Estoce habang ang Toyota Corolla ay patungo naman sa kanlurang direksyon.

Naganap ang insidente nang mag-overtake ang Corolla at nahagip nito ang motorsiklo sakay ang mga biktima.

Agad na bumagsak sa kalsada ang motorsiklo at nagtamo ng sugat sa iba’t ibang bahagi ng kanilang katawan ang mga biktima habang mabilis na tumakas palayo ang suspek sa hindi mabatid na direksyon.

Isinugod ng mga kaanak ang mga biktima sa Southern Isabela Medical Center ngunit agad binawian na ng buhay si Angelo pagdating sa pagamutan.

Nakatakdang isailalim sa operasyon ang nakatatandang Estoce matapos na magtamo ng bali sa katawan habang nananatili sa pagamutan si Batag at naiuwing ligtas si Xiaxie.

Inaalam ng pulisya ang posibleng kuha ng CCTV para matukoy ang pagkakakilanlan ng suspek at sasakyan na ginamit sa krimen.
EVELYN GARCIA