UMPISA na ng pagbigat ng trapiko sa Metro Manila habang papalapit na ang Pasko. Ito ang panahon kung saan ang mga Filipino ay gagastos ng pera sa pamimili at pamimigay ng regalo sa mga minamahal nila sa buhay at mga kaibigan. Kaya halos lahat ay mag-dadagsaan sa shopping malls at mga tiangge. Alam na natin lahat ito. Ang MMDA ay pinaghahandaan na rin ito.
Dagdag pa rito, ang mga may sobrang pera o ipon ay bumibili ng bagong sasakyan bilang personal na regalo sa kanilang pinagpawisan sa trabaho o negosyo dulot ng sikap at tiyaga. Kaya sa susunod na taon, malamang ay mas dadami pa ang mga sasa-kyan sa ating mga lansangan.
Noong 2017, ayon sa LTO, may kabuuang 10,410,814 sasakyan ang nai-rehistro. Sa nasabing datos, 2,608,389 ay nabili na ba-go o second hand na imported. Ang nangunguna sa may pinakamaraming narehistrong sasakyan noong 2017 ay ang National Capital Region (NCR) sa 2,617,537. Lumalabas na 25% ito sa kabuuan ng Filipinas. Hindi pa naglalabas ang LTO ng datos sa paksang ito sa taong 2018. Siguradong mas tataas ang numerong lalabas. Abangan natin ito.
Nabanggit ko ito dahil kung bibigyang-pansin lamang natin ang mga sasakyan na nakikita natin sa lansangan, mapapansin na-tin na marami ang gumagamit pa rin ng conduction sticker maski hindi na brand new ang kanilang sasakyan. Kung minsan pa nga, ang mga conduction sticker ay medyo kupas na ang kulay pero pinalalabas nila na wala pa raw silang plaka.
Maisisisi ito sa kapalpakan ng nakaraang administrasyon. Nagkaroon sila ng problema sa pagkakaroon ng aberya sa car plates. Nagpa-bid sila sa umano’y makabagong plaka ng kotse ngunit ang ipinanalo nilang supplier ay hindi pala kayang gampanan ito. Nabimbin ang nasabing car plates at nagkanya-kanyang diskarte ang ating mga motorista upang maglagay ng personal na car plate na nakalagay ang numero ng kanilang conduction sticker.
Ayon kasi sa LTO, ang mga sasakyan na hindi pa rehistrado sa kanilang ahensiya ay maaaring payagang bumiyahe sa pama-magitan ng conduction sticker na nakadikit sa kanang bahagi ng windshield sa harap at sa likod. Ngunit tulad ng sabi ko, ang pagkabimbin ng car plates ay nagbigay palusot sa ibang motorista natin upang gamitin ito sa pag-iwas sa ating odd-even scheme. Kaya kung magbibigay tayo ng halimbawa, kapag ang orihinal na plaka ng kotse ay ipinagbabawal sa Lunes dahil nagtatapos ng 1 o 2, tatanggalin nila ang kanilang plaka at ‘yung conduction sticker naman ang paiiralin nila dahil iba naman ang numero. Kapag natapos ang araw ng Lunes ay ikakabit nila muli ang kanilang orihinal na plaka ng kotse.
Noong Pebrero 2017, nagbaba ng bagong kautusan ang LTO tungkol sa wastong paggamit ng conduction sticker. Naging uso na kasi na ang mga car dealer at mga tindahan ng car accessories ay gumagawa ng personalized na plaka na nakalagay ang numero ng conduction sticker. Ang mga iba naman ay isusulat na lang sa isang karton na gamit lamang ay pentel pen.
Ayon sa memorandum ng LTO, may opisyal na specifications na ang numero ng conduction sticker na ilalagay bilang tempo-rary plates ng mga sasakyan. Damay sa nasabing kautusan ang mga motorsiklo, rebuilt at second hand na imported na sasakyan.
Eh, bakit marami pa rin tayong nakikitang lumalabag sa kautusan na ito? Sa totoo lang, ang paghigpit ng kautusan na ito ay ma-laking bagay upang mabawasan ang dami ng sasakyan sa lansangan. Lumalabas kasi na ang mga gumagawa nito ay nagmistulang ‘exempted’ sa odd-even scheme!
Napakadali namang makita ang mga lumalabag sa kautusan na ito. Tingnan lamang kung kupas na ang kulay ng conduction sticker. Tingnan kung modelo pa ang kanilang sasakyan. Higit sa lahat, tingnan kung ang nakapaskil na temporary plate na may numero ng conduction sticker ay alinsunod sa memorandum ng LTO. Mahirap bang mapansin ‘yun ng ating mga traffic enforcer?
Comments are closed.