PASSENGER SHIPPING OPERATIONS BINUKSAN NG MARINA

MARINA-2

PINAHINTULUTAN na ng Maritime Industry Authority (MARINA) ang pagbubukas ng passenger shipping operations na magsisilbi sa Manila-Iloilo-Zamboanga-General Santos-Davao routes para ngayong nalalapit na paggunita sa Undas.

Inisyatibong tugon ito ng Marina sa kagustuhan ni Pangulong Rodrigo Duterte  na mapagkalooban ng ligtas at komportableng paglalayag sa karagatan ng mga pasaherong  naka­tira sa mga malalayong lugar.

Ayon sa Marina, inis­yuhan nila ng special permit ang Negros Navigation Company Inc., isang holding company ng 2GO Group Inc., para magsilbi sa naturang ruta mula Oktubre 21-31 na inaasahang panahon nang pagdagsa ng pasahero na uuwi sa kanilang mga lalawigan dahil sa Undas, sa Nobyembre 1.

Nabatid na ang pagbibigay ng special permit ay pansamantala lang muna habang hinihintay ang resulta ng hearing para sa pag-i-isyu ng Certificate of Public Convenience (CPC).

Ang reopening ng Manila-Mindanao passenger ship routes ay isang murang transport option para sa mga pasahero mula Manila papuntang Davao City at pabalik kung saan tinatayang  P3,000 – P5,000 ang sea trip ticket.  ANA ROSARIO HERNANDEZ

Comments are closed.