PASSPORT DATA BREACH PINABUBUSISI NG  PALASYO

PASSPORT-3

INIUTOS ng Malacañang sa National Privacy Commission (NPC) na imbestigahan ang umano’y data breach sa mga passport matapos ang kontrobersiyal na pagtangay ng dating contractor sa mga personal information ng mga passport holder

Binigyang diin ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na  kaila­ngang malaman ng NPC kung mayroong nalabag sa probisyon ng Republic Act 10173 o Data Privacy Act partikular sa personal na impormasyon ng mga lumang passport holder.

Sinabi pa ni Panelo na  hindi dapat maabala ang mga aplikante sa pagpapasa na naman ng mga orihinal na kopya ng kanilang mga birth certificate para sa renewal ng passport.

Iginiit ni Panelo na sapat na dapat bilang requirement ang lumang passport ng mga aplikante para mai-renew ang mga ito at para mabawasan na rin ang mahabang proseso at “red tape” sa gobyerno.

“The National Privacy Commission (NPC) has been directed to investigate the incident in the Department of Foreign Affairs and ascertain whether certain provisions of Republic Act No. 10173, otherwise known as the Data Privacy Act of 2012, have been violated, particularly with respect to the personal information of the data subjects,” ani Sec. Panelo.

SENADO MAG-IIMBESTIGA RIN

IIMBESTIGAHAN  din ng Senado ang passport data breach  ng DFA.

Naghain ng Senate resolution bilang 981 si Senadora Risa Hontiveros na humihiling na maimbestigahan na ang naturang isyu.

“As the Philippines is about to begin implementation of the National ID System, reports such as these do not inspire confidence in the capacity of government to protect our data and its ability to police and hold accountable private contractors who process personal information,” ani Hontiveros.

Kaugnay nito, sinabi naman ni Senador Panfilo Lacson na dapat magsagawa ng malalimang imbestigas­yon ang pamahalaan upang mapanagot na ang mga may sala sa pangyayaring ito.

Samantala, isinisi ni Bayan Muna Rep. Carlos Isagani Zarate ang data leak sa pagkuha ng gobyerno ng private sub-contractor para sa pag-imprenta ng pasaporte.

Giit ni Zarate, maiiwasan sana ang leakage sa impormasyon ng libo-libong pasaporte kung ang government enterprises tulad ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) at National Printing Office (NPO) ang siyang nag-imprenta ng mga ito.

Nababahala ang kongresista dahil malaki ang implikasyon sa seguridad ng passport data leakage lalo’t hindi malabo ang identity theft sa mga Filipino na  nakuhaan ng personal data.

Matatandaang noong nakaraang taon ay inihain ni Zarate ang House Resolution 1608 para siyasatin ang anomalya sa passport printing na pinasok ng United Graphic Expression Corporation (UGEC) at APO Production Unit Inc., sa ilalim ng isang joint venture agreement. VICKY CERVALES, CONDE BATAC

Comments are closed.