PAST ADMIN, SINISI NI DUQUE SA IREGULARIDAD SA MULTI-BILYONG BHS PROJECT

ANG nakalipas na administrasyon ang sinisisi ni Health Secretary Francisco Duque III kaugnay sa umano’y iregularidad na naganap sa P8.1-bilyong  2-phase Barangay Health Stations (BHS) project.

Siniguro rin ni Duque na pananagutin nila ang mga dati at kasalukuyang opisyal ng DOH na matutuklasang may kinalaman sa naturang iregularidad, matapos na magkamaling pumasok sa ikalawang bahagi ng proyekto, gayung hindi pa man lamang naba-validate ang u­nang phase nito.

Pinaiimbestigahan na  sa Office of the Ombudsman ang mga iregularidad na umano’y natuklasan nila hinggil sa proyekto, kabilang dito ang maling report na 429 na barangay health station (BHS) umano ang nakumpleto sa phase 1 ng proyekto, gayung lumilitaw na 270 lamang sa mga ito ang posib­leng nakumpleto.

Bukod dito, kulang rin umano ang mga dokumento at posibleng pineke pa ang mga pirma sa mga ito.

Ayon kay Duque, nagtataka siya kung bakit may pinababayaran sa kanila na 429 BHS, at nang bumaba ang mga dokumento sa accounting at finance office ng DOH ay nadiskubre nilang maraming kulang ang mga ito kaya’t hindi nila talaga maaaring bayaran.

“Walang certificate of completion, certificate of site inspection, litrato before, during, and after. E ‘yung pinadala nilang litrato, lumalabas na cut and paste, parehong litrato ng lugar,” aniya pa, sa panayam sa radyo.

Pinatawagan na rin umano ni Duque sa kanyang staff ang kanilang mga regional directors upang i-validate kung talaga bang nakumpleto ang naturang 429 BHS, na itatayo sa public schools sa bansa.

“Wala raw silang in-issue na certificate of completion, at kung meron daw lagda e mukhang forged daw ito… From 429 na napaimbestiga, 270 daw ang posibleng natapos,” dagdag pa ni Duque.

Matatandaang una nang tiniyak ni Duque na marami siyang ‘pagugulungin na ulo’ kaugnay ng naturang iregularidad.

Hiniling na rin niya sa Office of the Ombudsman na magsagawa ng fact-finding investigation sa naturang 2015 department project, na kinabibilangan ng konstruksiyon ng 3,200 BHS sa unang phase nito, at karagdagang 2,500 BHS pa sa ikalawang phase naman nito.

Nabatid na iminungkahi ang proyekto upang masolusyunan ang kakulangan sa health facilities ng 58% ng mga barangay sa bansa.

Naniniwala naman si Duque na maganda ang konsepto at layunin ng proyekto, na makapagbigay ng health service sa mga barangay, ngunit nagkaroon ito ng problema sa pagpaplano.

Mismong ang kontratista na umano ang nagsabi na 731 sa 3,200 na planong pagtayuan ng BHS, ay  ‘ineligible’ at ‘unworkable sites’, may sinkhole, may problema sa right of way o ‘di kaya’y mayroon nang planong paggamitan ang Department of Education (DepEd).

Hindi nagustuhan ni Duque na batid na pala ng mga kontratista at ng DOH officials na may kulang sa pagtatayuan ng mga BHS, ngunit pinasok pa rin nila ang second phase ng proyekto, gayung hindi pa nabubuo ang phase 1 nito.

“E alam na pala nila na may kulang na pagtatayuan na lugar. Pumasok sa pangalawang kontrata hindi pa nga nabubuo ang phase 1, pumirma ka na sa phase 2. Hindi ba ito malaking iregularidad?” giit pa ng kalihim.

Una na ring inirekomenda ng task force na binuo ni Duque noong Abril na huwag bayaran ang bill para sa 429 BHS dahil walo lamang sa mga ito ang may kompletong dokumento.

Ibinunyag din ni Duque na ang set up kits para sa mga naturang bagong barangay health stations ay hindi pa naidedeliber hanggang sa ngayon, dahil hindi tiyak kung natapos ang kons­truksiyon ng mga ito.

Samantala, sa panig naman ni dating Health Secretary Janette Garin, hinamon nito si Duque na sampahan siya ng kaso kaugnay ng natu­rang umano’y maanomalyang proyekto, sa halip na dumulog sa media.

Nanindigan si Garin na walang irregular sa konstruksiyon ng barangay health units. ANA ROSARIO HERNANDEZ

Comments are closed.